Nagtapos sa kursong ‘Intellectual Property (IP) Master Class’ ang 26 na technology transfer officers mula sa 11 na ahensya. Ang nasabing kurso ay inorganisa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Opisyal silang nagtapos noong ika-29 ng Hunyo 2018 sa DOST-PCAARRD Innovation and Technology Center (DPITC). Lima sa nagtapos ay mga kawani ng PCAARRD.
Nakumpleto ng mga nagtapos ang kurso na nagsimula noong ika-14 ng Pebrero 2018 at nagtagal ng limang buwan. Binubuo ng anim na ‘modules’ ang kurso kung saan tinalakay ang pagprotekta at pangangasiwa ng IP. Ang kurso ay parte ng inisyatibo ng PCAARRD upang pangasiwaan nang mabuti ang resulta ng mga pananaliksik at magkaroon ng mas ‘competitive’ na ‘innovation ecosystem’ sa sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.
Tinutugunan ng kurso ang kakulangan ng kaalaman ng mga eksperto galing sa mga State Colleges and Universities (SUCs) at Research and Development Institutes (RDIs) tungkol sa pag-‘commercialize’ o pagsimula ng negosyo gamit ang kanilang mga teknolohiya. Sa pamamagitan ng kurso, natutunan ng mga lumahok ang mga pangunahing kaalaman sa ‘commercialization’ o pagnenegosyo at kung paano protektahan ang kanilang ‘Intellectual Properties.’
Ang mga nagtapos ay nagsumite ng 36 na ‘application’ para sa IP kabilang ang 21 na patente at 15 na ‘utility models.’
Tinuruan ang mga nagtapos sa proseso ng pagsumite ng patente sa pamamagitan ng mga mga ‘lectures’ at ‘workshops’ sa mga paksa katulad ng pagprotekta at pangangasiwa ng IP; ‘prior art searches’ at ‘invention spotting’; at ‘mentorship’ sa ‘claim drafting’ at pagtugon sa mga ‘formality examination reports.’ Sumailalim din ang mga lumahok sa aktwal na pagsumite ng IP sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL). Dumaan din at nakapasa ang mga nagtapos sa mga kunwaring pagsusulit o ‘mock exams.’ Layon nito na ihanda ang mga lumahok sa mga pagsusulit upang maging kwalipikadong ‘patent agent.’
Hinamon ni Dr. Reynaldo V. Ebora, ang Acting Executive Director ng PCAARRD, ang mga nagtapos na gamitin ang kanilang mga natutunan sa kurso upang protektahan ang lahat ng mga teknolohiyang na-debelop ng mga SUCs at RDIs.
Pagkatapos ng IP Master Class, magkakaroon ng ‘Technology Commercialization Mentorship Series’ ngayong Agosto 2018. Ito ay binubuo rin ng anim na ‘modules.’ Ang series na ito ay isinagawa sa ilalim ng ‘Intellectual Property Management and Business Development Office of Consortia Member Agencies.’