Ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) katuwang ang Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR), ay naglunsad ng proyektong pinamagatang, “Development of Area-wide Management (AWM) Approaches for Fruit flies in Mango for Indonesia, Philippines, Australia, and the Asia-Pacific Region.”
Ang proyekto ay naglalayong maibsan ang pagdami ng fruit fly na sumisira sa kalidad ng mangga, at siyang dahilan ng pagbaba ng ani nito. Pamumunuan ni Dr. Stefano de Faveri ng Department of Agriculture and Fisheries sa Queensland, Australia ang proyekto kasama ang mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), University of the Philippines Mindanao (UP Mindanao), at Provincial Agriculturists Office (PAGRO)-Davao del Norte. Ang nasabing grupo ay magsusuri ng kahusayan ng AWM o malawakang pag-kontrol ng fruit fly sa Samal Island, pamamahala sa mga sakit ng mangga, at ang pagpapatupad ng mga ‘best management practices.’
Bilang bahagi ng pagte-testing ng AWM, ang mga mananaliksik mula sa UPLB na pinamumunuan ni Dr. Celia DR. Medina at mga katuwang mula PAGRO ng Davao del Norte, ay pinag-aaralan ang pinakamainam na bitag at materyal na gagamitin sa male annihilation technique (MAT). Ang MAT ay isang natural na pamamaraan upang mahuli at makontrol ang mga fruit fly nang sa gayon ay bumaba ang kanilang populasyon.
Samantala, ang grupo ni Dr. Emma Ruth V. Bayogan ng UP Mindanao ang magsusuri at mamamahala sa mga sakit ng mangga matapos ito anihin. Kamakailan lang, ibinahagi ni Dr. Bayogan sa isang pagpupulong ang iba’t ibang sakit ng manga, ang lawak ng pinsala nito , at ang kasalukuyang pamamahala na ginagawa sa mga nasabing sakit.
Nagsagawa rin sila ng pagsusuri sa mga mangga mula sa Samal Island. Ayon sa kanilang pagsusuri, maliit lamang ang porysento ng mga manggang maaaring i-export ng lugar kahit na karamihan sa mga ani nito ay malalaki at katamtaman ang laki. Inaasahangmakatutulong ang proyekto partikular sa Samal Island upang mapataas ang porsyento ng mga mangga na maaring i-export sa ibang bansa.