Philippine Standard Time

Agroturismo sa Los Baños, mas pinauunlad ng isang proyektong S&T

Naghahanap ka ba ng isang ‘green escape’ mula sa lungsod? Ang bayan ng Los Baños sa Laguna ay naghahandog ng isang karanasang agrikultural na may halong agham at teknolohiya sa Los Baños Seeds and Seedlings (S&S) Plaza. 

Mula 2018, isa sa mga naging atraksyong pang-agroturismo ng Los Baños ang S&S Plaza na nagsisilbing “one-stop shop” ng mga magsasaka, negosyante, estudyante, at iba pang mga interesado rito. Handog din ng Plaza ang iba’t ibang mga klase ng teknolohiyang nakatutulong palakasin ang produksyon at kalidad ng ani. Mairerekomenda ito sa mga interesado sa ‘organic lowland vegetable production,’ ‘urban agriculture,’ ‘renewable energy,’ at iba pa. 

May kakayahan ang Plaza na makapagprodyus ng 18,482 na punla ng ‘herbs’ at ‘ornamental foliage’ kung saan ito ay ipinamamahagi sa ilang mga benepisyaryo ng proyekto. Mula 2021 hanggang 2022, kumita ang Plaza ng P10,045 mula sa mga ani nito. 

Ang S&S Plaza ay isa ring ‘learning hub’ na nagbibigay ng mga ‘on-site’ at ‘online’ na pagsasanay at materyales tungkol sa produksyon sa sakahan o taniman. Dahil sa maganda nitong tanawin, nagsisilbi rin ang Plaza bilang lugar na pinagdarausan ng kasal, kaarawan, binyag, pasko, at iba pang mga pagtitipon. 

Ayon sa pinuno ng proyekto, ang S&S Plaza ay testamento sa lumalagong industriya ng agri-turismo sa bansa at ang tungkulin ng agham at teknolohiya sa mahusay na paggamit ng potensyal nito. Sa darating pang taon, nais ng pangkat na mas masuportahan ang maraming magsasaka at matiyak ang pagpapanatili nito. 

Sa ilalim ng Bureau of Plant Industry ng Department of Agriculture (DA-BPI), layunin ng S&S Plaza na mas mapalawig ang kaalaman ng mga tao tungkol sa mga agriculture-based’ na mga teknolohiya. Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology  (DOST-PCAARRD) sa ilalim ng programang Science for the Convergence of Agriculture and Tourism (SciCAT). Patuloy rin ang kolaborasyon ng mga nasabing ahensya para sa susunod pang bahagi ng proyekto.