Kamakailan ay inaprubahan ng Department of Science and Technology (DOST) ang isang proyekto kung saan gagamitin ang ‘artificial intelligence’ (AI) at ‘internet of things’ (IoT) sa pagsubaybay ng mga ‘aquaponic greenhouses’ katuwang ang Turbulent Drip Sales Inc. (TDSI) sa Cavite.
Nilalayon ng proyekto na makabuo ng isang sistema na mapapabilis at mapapadali ang proseso sa pagpapatakbo ng mga aquaponic greenhouses kagaya ng pagsubaybay sa pananatili at pagpapadala ng nutrisyon sa mga pananim, kalidad ng tubig, at kabuuang sistema ng greenhouse. Sa tulong ng pag-aaral ay inaasahan na mailalatag ang ‘framework’ o mga balangkas sa pangangasiwa ng aquaponic greenhouse na mura, abot-kaya, at gawang Pinoy.
Ang ATLANTIS o “An IoT-based Artificial Intelligence for Aquaponic Control and Monitoring of Aquaponic Greenhouse,” ay pinangungunahan ng mga eksperto mula sa Batangas State University at pinopondohan ng DOST sa pamamagitan ng programang Collaborative Research and Development to Leverage Philippine Economy (CRADLE).
Ayon kay Dr. Alvin S. Alon, ang nangunguna sa proyekto, ang pagtatanim na sinabayan ng pag-aalaga ng isda gamit ang sistema ng aquaponics ay maaaring makatulong upang mabawasan ang polusyon na dulot ng tradisyonal na pagsasaka katulad ng pagkasira ng lupang sakahan dulot ng pag-gamit ng iba’t ibang kemikal na produkto.
Dagdag pa rito, tinataya rin na maaring makatulong ang proyekto sa pagbubukas ng mas malawak na industriya ng aquaponics greenhouse farming na magdadala ng maraming trabaho at oportunidad sa bansa.
Sa tulong ng ganitong teknolohiya, ang mga negosyong pang-agrikultura katulad ng gawain ng TDSI ay maaring nang makapangasiwa ng sistema ng aquaponics sa mas madaling paraan.
Kasama ang ATLANTIS sa pagpapalaganap ng kaalaman sa bagong henerasyon upang mapahalagahan ang makabagong teknolohiya sa agrikultura. Inaasahan na sa pamamagitan ng mga bagong teknolohiya, mahihikayat ang mga kabataan na pumasok sa pagnenegosyo o trabaho na may kinalaman sa agrikultura.