Itinalaga si Dr. Melvin B. Carlos bilang bagong Deputy Executive Director ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Si Carlos ay dating Direktor ng Technology Transfer and Promotion Division o TTPD. Nanumpa si Carlos kay DOST Secretary Fortunato T. dela Peña sa DOST main office noong ika-13 ng Disyembre 2018.
Bilang Deputy Executive Director ng Administration, Resource Management and Support Services (ARMSS) Cluster, si Carlos ay inatasan upang manguna sa pag-‘coordinate’ ng mga plano, programa, pagsusubaybay o ‘monitoring,’ at pagsusuri ng mga ‘support activities’ kaugnay sa siyensiya at teknolohiya. Ang mga aktibidad na ito ay gaya ng ‘general administration,’ ‘institution development,’ ‘resource management,’ ‘strategic communication,’ ‘management information system,’ at mga polisiya.
Bago naitalaga si Carlos bilang Deputy Executive Director, nagsilbi siya bilang Officer-in-Charge ng ARMSS Cluster simula ika-17 ng Oktubre 2017.
Noong taong 2011 naman, si Carlos ay nagsilbing Direktor ng TTPD at Officer-in-Charge naman ng Applied Communication Division mula Enero 2014 hanggang Pebrero 2015.
Nagsimulang magtrabaho si Carlos sa PCAARRD noong taong 1983 bilang Science Research Assistant sa International Projects’ Division. Matapos kumuha ng kanyang Master’s Degree sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), bumalik si Carlos sa PCAARRD at nagtrabaho bilang Project Manager ng Agricultural Support Service Project (ASSP-TG) na pinondohan ng World Bank.
Nagtapos si Carlos ng kanyang Ph.D. sa kursong Economic Geography mula sa Simon Fraser University, British Columbia, Canada.
Bukod sa PCAARRD, nagtrabaho rin si Carlos sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA), Winrock International, WorldFish Center, International Fund for Agricultural Development (IFAD), International Rice Research Institute (IRRI), Asian Development Bank (ADB), at International Development Research Center (IDRC).
Nagturo rin siya sa tatlong unibersidad – sa University of British Columbia at Simon Fraser University sa Canada at sa UPLB.
Nakamit ni Carlos ang Career Executive Service Eligibility noong taong 2014. Siya ay kasalukuyang Bise Presidente ng Philippine Association of Research Managers (PhilARM), National Vice President ng Philippine Association of Agriculturists (PAA) at Presidente ng Philippine Agricultural Economics and Development Association (PAEDA).