Inaasahang makagagawa ang University of the Philippines Diliman (UPD) ng ‘detection tool’ upang matukoy ang mga nakapipinsalang ‘fungal pathogens’ o amag na labis na nakaaapekto sa mga pananim na gulay at ‘strawberry’ sa hilagang bahagi ng Pilipinas. Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ayon sa nangunguna sa proyekto na si Dr. Leilani S. Dacones, ang malubhang pinsalang dulot ng mga amag sa mga produktong agrikultural na nagreresulta sa pagbaba ng ani at kita ng mga magsasaka ang nag-udyok sa kanilang grupo na pag-aralan ito.
Ayon sa pag-aaral ng grupo ni Dr. Dacones, ang mapaminsalang amag ay dulot ng Rhizoctonia spp. na siyang nagpapababa ng hanggang 30 porsyento (%) sa ani ng mga patatas. Pinapababa rin ng amag na Alternaria spp. ng hanggang 59% ang ani ng binhi ng repolyo. Malimit namang inaatake ng Botrytis spp. ang strawberry na kadalasan ay umaabot sa 100% na pinsala sa mga magagandang ani nito.
Gayunpaman, ibinahagi ni Dr. Dacones na ang madalas na paggamit ng mga ‘fungicides’ o pestisidyong kontra sa mapaminsalang amag, ay nakababawas ng pagiging epektibo sa pagpuksa ng mga sakit sa mga pananim o ang tinatawag na fungicide-resistant pathogens.
Ang proyekto ay inaasahang makapagdedebelop ng ‘Polymerase Chain Reaction (PCR)-based tool’ para sa mga fungicide-resistant isolates na labis na nakaaapekto sa mga pananim na gulay at strawberry sa Benguet. Ang mga nakoletang ‘samples’ mula sa Nueva Vizcaya at Ilocos Sur ay pag-aaralan din.
Ang magagawang detection tool sa proyekto ay maaaring magamit para sa pagbuo ng mga epektibong stratehiya para sa pangangasiwa ng fungicide resistance sa mga taniman.
Ang nasabing detection tool ay makapagbibigay ng mas mabilis na pamamaraan sa pagtukoy, pagsubaybay, at pagtatasa ng mga sakit na dulot ng amag. Ang mga impormasyon na makukuha mula rito ay makatutulong upang makapagbigay gabay sa mga magsasaka sa tamang paggamit ng mga fungicides. Inaasahan din ang proyekto na makapagpapababa ng gastusin sa pangangasiwa ng sakit sa taniman nang hindi na kinakailangang gumamit ng mga fungicides. Ang mga ani naman ay inaasahang tataas kung ito ay gagamitan ng epektibo at akmang pamamahala sa pagpuksa ng sakit dulot ng mapaminsalang amag.