Isang maliit na bersyon ng sistema ng aquaponics ang ipinamamalas sa University of the Philippines Diliman-Institute of Biology (UP-IB). Ito ay upang ipakita kung paano nagiging epektibo ang sistema ng ‘floating’ at ‘media bed’ aquaponics.
Ito ay pinangunahan ni Dr. Wenresti G. Gallardo, isang Balik Scientist at dalubhasa sa larangan ng ‘aquaculture’ at ‘marine science.’ Bahagi si Dr. Gallardo ng Balik Scientist Program (BSP) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang aquaponics ay isang sistema ng pangisdaan na mapananatili o sustainable dahil sabay nito inaalagaan ang tanim na gulay at isda. Nagsisilbing pagkain ng gulay ang duming inilalabas ng mga isda, samantalang nililinis naman ng ugat ng gulay ang tubig.
Natutugunan ng inisyatibo ni Dr. Gallardo ang mga hamon ng kapaligiran katulad ng polusyon na naiuugnay sa aquaculture sanhi ng ‘overstocking’ at ‘overfeeding’ sa mga pasilidad kung saan nag-aalaga at nagpaparami ng isda. Suportado ng UP-Natural Science Research and Institute (UP-NSRI) ang inisyatibong ito ni Dr. Gallardo.
Si Dr. Gallardo ay isang Associate Professor sa Sultan Qaboos University, Oman, kung saan sa loob ng apat na taon ay matagumpay nyang naparami ang iba’t ibang halaman kasama ang tilapia at koi carp sa pamamagitan ng aquaponics. Ayon sa kanya, hindi gumagamit ng abono o pestisidyo ang aquaponics at hindi rin ito nakakalikha ng ‘waste water.’ Maaari rin itong magawa sa mga lugar na hindi akma para sa tradisyunal na pagtatanim.
Layunin ni Dr. Gallardo na makatulong sa mga magsasaka, sa mga taong nakatira sa mga lungsod, sa mga gustong matuto ng aquaponics, at mga nais makatulong sa pagpapanatili ng kapaligiran kasabay ng pagkakaroon ng karagdagang kita at suplay ng gulay at isda.