Sa nagdaang mga taon, nagsasagawa ang Visayas State University (VSU) ng mga pagsasaliksik tungo sa pagtugon sa climate change. Nang simulan ng VSU ang proyekto nito sa produkson ng kawayan para sa matatag na pabahay, kinuha ng VSU ang serbisyo ni Dr. Rico O. Cruz, isang Balik Scientist sa larangan ng ‘bamboo processing.’
Si Dr. Cruz ay dalubhasa sa ‘agricultural’ at ‘biosystems engineering,’ ‘renewable energy,’ at ‘environmental management.’ Siya ay may 30 taong karanasan sa pagbuo, produksyon, paggamit, at pagsusuri ng ‘renewable energy resources.’ Bahagi rin siya ng Idaho State University ‘pioneering team’ na bumuo at nagsulong sa paggamit ng ‘biodiesel’ sa buong mundo.
Bukod sa pagpoproseso ng kawayan, kaagapay rin si Dr. Cruz sa iba pang programa ng VSU sa ilalim ng Renewable Energy Center na tumutuklas ng iba’t-ibang teknolohiya na angkop sa kapaligiran. Kabilang dito ang ‘solid biomass’ para sa ‘biochar’ at ‘synthetic gas,’ ‘mini/micro hydro, wind,’ at ‘wave/current power system.’
Makikita sa sariling sasakyan ni Dr. Cruz ang kanyang pagtataguyod ng renewable energy. Ito ay gumagamit ng biodiesel sa halip na ‘regular diesel.’
Ipinakita ni Dr. Cruz kung paano makakagawa ng biodiesel mula sa langis na nagamit na sa pagluluto. Umaasa si Dr. Cruz na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ang VSU ng mura at ‘ecologically- benign fuel’ para sa mga ‘utility vehicles’ ng paaralan at maging sa ‘standby generator’ para sa ‘engineering research activities.’
Sinabi ni Dr. Cruz na matagal nang naipakilala sa VSU ang paggamit ng biodiesel at ang kanyang tungkulin ay ang isulong ang muling pagbuhay sa produksyon nito at ang lubos na paggamit ng mga pasilidad ng paaralan para sa ‘sustainable renewable energy.’ Inaasahan na ang inisyatibo ay makatutulong din upang muling buhayin ang mga ‘coconut-related activities’ at pataasin ang presyo ng ‘coconut meat.’
Umaasa si Dr. Cruz na sa pamamagitan ng BSP, ay maipakikita niya ang iba’t-ibang inisyatibo sa renewable energy na kanyang ginagawa sa loob ng 30 taon para sa kapakinabangan ng mga taga Region VIII.