Nagiging popular ang industriya ng igat dahil sa pagtaas ng pangangailangan nito sa merkado. Kaya’t maaaring manganib ang industriyang ito sa potensyal na ‘overexploitation’ o labis na pagkuha ng mga igat sa natural nitong tirahan.
Ang look ng Lagonoy o mas kilala sa Lagonoy Gulf sa rehiyon ng Bikol ay sinuri ng mga eksperto at napag-alaman na ito ay maaaring maging ‘fishing ground’ o lugar na maaaring paramihin at alagaan ang mga igat.
Kaunti pa lamang ang mga pag-aaral sa Lagonoy Gulf bilang potensyal na ‘breeding ground’ ng igat kung kaya’t pinag-aralan pa itong maigi ng mga eskperto mula sa Bicol University Tabaco Campus (BUTC). Inaalam ng mga eksperto kung paano ito magsisilbing pangitlugan at lugar-alagaan, upang maprotektahan at mapanatili ang mga ito. Ang inisyatibong ito ay pinondohan at sinusubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Tatlong klase ng igat, nadiskubre
Tatlong uri ng igat ang nadiskubre ng grupo nila Dr. Plutomeo Nieves ng BUTC, ang nangungunang mananaliksik sa proyektong “The Eel Fishery in Tributaries along Lagonoy Gulf: Implication to Management and Conservation” Ito ay ang mga sumusunod: Anguilla marmorata (Giant mottled eel), Anguilla bicolor pacifica (Indonesian shortfin eel), at Anguilla japonica (Japanese eel).
Ang mga nasabing igat ay natagpuan sa Albay, Catanduanes, at Camarines Sur kung saan karamihan sa mga ito ay may habang 4.1cm hanggang 7 cm at may timbang na mula sa 0.05 gramo hanggang 0.21 gramo ang bawa’t isa.
Matutukoy ang pagkakaiba ng mga nasabing uri ng igat sa pamamagitan ng marka o ‘pigmentation’ sa buntot. Ang A. mamorata ay may pigmentation na hindi umaabot sa dulo ng buntot nito. Ang pigmentation ng A. bicolor pacifica naman ay umaabot sa pinakadulo ng buntot, samantalang ang A. japonica ay walang kahit anong marka.
Ang mga ilog ng Lagonoy sa Camarines Sur, ng Colmun/Balza sa Albay, at ng Bato sa Catanduanes ay ang tatlong pangunahing nakikitaan ng potensyal na maging ‘fishing’ at ‘breeding ground’ ng mga igat. Karamihan sa mga igat na matatagpuan mula sa mga nasabing ilog ay ang A. mamorata at A. bicolor pacifica. Kakaunti lamang ang natagpuang A. japonica sa mga nasabing lugar.
Pamamaraan sa paghuli ng igat
Dalawang pamamaraan ang ginagawa sa paghuhuli ng igat: ito ay ang aktibo at di-aktibong pamamaraan. Ang aktibong pamamaraan ay gumagamit ng pang-sibat upang makahuli ng igat, ng ‘push net,’ ‘hook and line,’ ‘spear guns,’ at ‘electro-fishing gear.’
Ang di-aktibong pamamaraan ay gumagamit lamang ng ‘modified fyke net.’ Ito ay 81.5% epektibo sa paghuli ng igat. Ang iba pang gamit sa pamamaraang ito ay ang ‘bamboo trap,’ ‘filter trap,’ at mga bato.
Malaki ang benepisyong makukuha ng mga mangingisda sa industriya ng igat. Matutulungan rin nito ang mga negosyante na siyang kabilang sa may importanteng pagganap sa tinatawag na supply chain na nagkakahalaga mula Php 4 milyon hanggang Php 23.3 milyon.
Dahil sa potensyal ng industriya ng igat sa pagtulong sa ekonomiya, patuloy ang paggawa ng mga polisiya upang mapangalagaan at mas mapangasiwaan ang industriya nito.
Matapos ang nasabing pag-aaral na isinagawa ng BUTC, ilan sa mga rekomendasyon ng grupo ay ang mga sumusunod: paggamit ng modified fyke net sa panghuhuli ng igat gayundin ang paggamit ng tamang kagamitan sa paghuhuli ng igat depende sa heograpiyang ng bawat lugar na panghuhulihan nito; tama at wastong dokumentasyon ng mga gawain na may kinalaman sa industriya ng igat kagaya ng papaparehistro ng kagamitan na gamit panghuliat ang mismong indibidwal na manghuhuli ng mga ito; mas pina-igting na pagpapatupad ng mga kaukulang batas kagaya ng Fisheries Laws (RA 8550 at RA 10654) at Environmental Laws (RA 9275 o ang Clean Water Act of Ecological SWM Act. No. 9003 of 2000). Ang lahat ng mga ito ay dapat may kaakibat na isang masusi at epektibong kampanya na siyang magbibigay ng wastong kaalaman sa industriya ng igat.