Opisyal na inilunsad ng University of Southern Mindanao (USM) ang Cacao R&D center noong ika-27 ng Agosto 2021, bilang bahagi ng programang ‘Niche Centers in the Regions for Research Development’ (R&D) o NICER. Ito ay pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST).
Ang programang NICER ay bahagi ng ‘Science for Change Program ng DOST. Ito ay naglalayon na pagyabungin ang kakayahan sa pananaliksik ng mga ‘higher education institutions’ (HEIs) sa buong Pilipinas upang magkaroon ng pantay na abilidad ang bawat rehiyon sa larangan ng R&D o pang-kaunlarang pananaliksik.
Inaasahang tutugunan ng Cacao R&D Center ang mga problema sa industriya ng kakaw at pataasin ang suplay nito sa gitna ng pagtaas ng pangangailangan sa kakaw ‘beans’ at ilang produkto nito sa loob at labas ng bansa.
Ang North Cotabato or Region 12 ay sentro ng genetic diversity ng kakaw sa Pilipinas, kaya’t ang USM ay nangunguna sa pagtugon sa mga problema sa industriya tulad ng mababang kalidad ng mga produktong kakaw at kawalan ng pamantayan sa mga proseso ng produksyon at mga gawi matapos ang pag-aani nito.
Sa loob ng tatlong taon, ilulunsad ng programa ang mga inisyatibo ukol sa produksyon at pagpo-proseso ng kakaw upang magkaroon ng mas magandang kalidad ng binhi, kakaw beans, at iba pang mga produktong nakukuha mula rito.
Ayon kay Dr. Edward Barlaan, USM Vice President for Research, Development and Extension at syang nangunguna sa programa, ang Cacao R&D center ay magsisilbing tahanan ng pagsasanay sa iba’t ibang aktibidad tulad ng pagtatanim, pagpo-proseso, pagdedebelop, at pagbebenta ng kakaw. Ito rin ay magsisilbing pagkukunan ng mga kakaw na pang eksperimento gayundin ng “clones” para sa pagpaparami ng suplay nito.
Inaasahang tataas ang produksyon at kita sa kakaw sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga makabagong pamamaraan sa pagpo-proseso ng mga beans nito. Upang mas maging kapaki-pakinabang sa pagpepreserba at pagpapabuti ng mga barayti ng kakaw, ang ‘cacao gene bank’ ng USM ay nakatakdang ayusin at mas paunlarin.