Philippine Standard Time

CMU-ATBI, napagbuti ang kita ng mga ‘farmer-entrepreneur,’ mga pasilidad, at nagbigay dagdag trabaho

Ang Agri-Aqua Technology Business Incubator (ATBI) ng Central Mindanao University (CMU) ay nagkaroon ng positibong epekto sa kabuhayan ng mga ‘incubatees’ kung saan naobserbahan ang pag-angat ng kita ng mga farmer-entrepreneur, pagbuti ng mga pasilidad na pamproduksyon, at pagtaas ng mga oportunidad sa trabaho. Ang incubatee ay ang indibidwal o kumpanya o organisasyon na may hangarin  na maging isang negosyante or ‘agripreneur’ at tutulungan ng ATBI upang maprotektahan at mapagyaman ang teknolohiyang kanilang nadebelop hanggang sa ito ay maging ganap na negosyo. 

Layunin ng CMU-ATBI na mapagtibay ang ‘entrepreneurial ecosystem’ sa pagsasagawa ng ‘intellectual property (IP) protection’ at komersyalisasyon ng mga teknolohiyang ‘agri-aqua’ sa pamamagitan ng ‘business incubation.’

Sa pamumuno ni Bb. Sheila C. Poonon ng CMU, ang proyektong “DOST-PCAARRD-CMU-Agri-aqua Technology Business Incubator Phase 2,” ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). 

Base sa datos ng proyekto, tumaas ng 164% ang kita ng 27 na incubatees ng CMU-ATBI noong 2023. Samantala, nasa 118.5% naman ang itinaas ng mga nagkaroon ng trabaho sa mga komunidad ng Maramag, Bukidnon. 

Maliban pa rito, patuloy na napagbuti ang produksyon ng mga incubatees gamit ang mga pasilidad na naitatag ng proyekto para sa imbakan at pag-proseso ng mga produkto.

Natulungan din ng CMU-ATBI ang mga incubatees upang makakuha ng ‘IP protection’ para sa kanilang mga negosyo. Sampung negosyo ang nakapag-pasa ng ‘trademark branding’ at anim ang nakapag-pasa para sa ‘copyright protection.’

Sa matagumpay na implementasyon ng phase-2 ng proyekto, naaprubahan ang isa pang bahagi ng CMU-ATBI sa ilalim ng proyektong, “Regional ATBI in Northern Mindanao through the RAISE Program.” Mula sa institusyonal, mas tututukan na rito ang mga rehiyon tulad ng Northern Mindanao kung saan matutulungan ang mga naghahangad maging “agripreneur.”