Tuwing tag-ulan, nagiging mas delikado ang pag-akyat sa mga puno ng niyog. Ngunit sa pamamagitan ng isang teknolohiya na tinatawag na CocoClimber, magiging mas madali at mas ligtas ang pag-akyat sa puno ng niyog kahit na sa tuwing masama ang panahon.
Binigyang solusyon ang hamon na ito ng mga mananaliksik mula sa University of Southeastern Philippines (USeP) na pinapangunahan ni Engr. Ryan Abenoja. Ito ay sa pamamagitan ng mekanikal na CocoClimber, isang teknolohiya na maaaring gamitin sa pag-akyat at pag-ani ng mga niyog.
Inilarawan ni Abenoja na ang CocoClimber ay may taas na isang metro at may bigat na anim na kilo. Mayroon itong kable na may habang isa’t kalahating metro na may ‘frame’ na ginamitan ng ‘stainless steel’ kaya naman ito ay hindi madaling mabali.
Sinubukan ang CocoClimber sa taniman ng niyog sa USEP Tagum-Mabini campus kung saan nakita na sa pamamagitan ng teknolohiya, maaaring maka-akyat sa puno ng niyog sa bilis na 6.09 metro bawat minuto (m/min) at 5.69 m/min sa pagbaba naman. Ito ay mas mabilis dahil maaaring makapag-ani sa 12 na puno ng niyog sa isang oras.
Dahil mas mabilis makapag-ani ng niyog, masisiguradong nasa tamang oras at panahon ang pag-ani ng mga magsasaka at hindi mababawasan ang kanilang kita lalo na sa tag-ulan. Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, maaari nang maiwasan ang pag-asim ng mga buko, pagka-panis ng katas ng mga bulaklak ng niyog na ginagamit sa produksyon ng coco sugar at suka, at paglipas ng mga niyog na pangkopra.
May iba pang katangian ang CocoClimber para maging mas ligtas at maginhawa itong gamitin. Maaari itong gamitin sa puno na tuyo o basa. Mas magaan din ito kumpara sa mga imported na modelo. Dahil dito, mas madali itong dalhin at gamitin para sa babae at lalaking mga taga-akyat ng puno.
Ang Mekanikal CocoClimber ng USeP ay nabigyan ng patent ng Intellectual Property of the Philippines, Bureau of Patents noong May 29, 2024 na may bisa hanggang June 29, 2041. Sa dokumentong ito, binibigyan ang patent holder ng karapatan na pigilan o pagbawalan ang hindi awtorisadong indibidwal, organisasyon, o kumpanya na gumawa at ipagbili ang nasabing imbensyon.
Ang mga imbentor na nakapangalan sa patent ay sina: Roger Montepio, Ryan Abenoja, Roland Bayron, Ruel Tuyogon, at Lourenze Karl Lanticse.
Ang CocoClimber ay pinondohan ng Department of Science and Technology sa pamamagitan ng Collaborative Research and Development to Leverage Philippine Economy (CRADLE) Program. Sinubaybayan ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD)-Agricultural Resources Management Research Division ang proyekto.