Isang computer software na gumagamit ng ‘USB camera’ o ‘web cam’ ang nadebelop ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) upang mas mapabilis ang pag-aaral sa Eggplant Fruit and Shoot Borer o EFSB.
Tinatawag na ‘EFSB motion tracking sensor,’ ang nasabing teknolohiya ay bunga ng proyektong Development of Improved Eggplant Varieties with New Plant Defense Genes for Multiple Insect Resistance using Innovative Technologies na isinasagawa ng UPLB at pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang EFSB ay itinuturing na isa sa pinakamapinsalang peste ng talong dahil nagdudulot ito nang aabot sa 90% na pagkasira sa ani ng talong kapag malala na ang impestasyon.
Karaniwang gumagamit ng mga kemikal na pestisidyo ang mga nagsasaka ng talong upang mapigilan ang pagtaas ng populasyon ng EFSB. Bagama’t epektibo, ang paggamit ng kemikal na pestisidyo ay nakasisira sa kapaligiran, hindi ‘sustainable,’ at maaaring makaapekto sa kalusugan ng gumagamit nito.
Sa pamamagitan ng nasabing proyekto, matutukoy ang mga barayti ng talong na may ‘genes’ na mataas ang ‘tolerance’ at matibay laban sa EFSB. Ito naman ay magagamit sa pagdebelop ng bagong barayti ng talong na may mabisang depensa sa EFSB.
Bukod sa EFSB, maaari ring magamit ang teknolohiya sa iba pang insektong ‘lepidopteran.’