Bilang pagtugon sa problema dulot ng mga operasyon sa akwakultura, isang teknolohiyang tinatawag na, Zeolite-Silica Nanocomposite (ZNC) ang ginawa ng Central Luzon State University (CLSU) upang magamit pang kondisyon sa tubig at lupa sa pag-aakwakultura.
Ang ZNC ay natatanging imbensyon mula sa CLSU-Nanotechnology R&D Facility na epektibo sa paglilinis ng ‘intensified pond water’ dahil sa mas pinaigting nitong katangian tulad ng pagkakaroon ng 262 m²/g na ‘surface area,’ makinis na ‘surface morphology,’ diyametrong may sukat na 38.26±8.32 nm, pagiging ‘amorphous’ o kawalan ng hugis at kakayahang matunaw ng bahagya. Upang mapanatili ang sistema ng enerhiya na nagmula sa pag-recycle ng tubig sa ‘ponds’ o lawa, importanteng mapanatili ang pagiging amorphous ng teknolohiyang ito.
Ang proyekto ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at pinapangunahan ni Dr. Juvy J. Monserate ng CLSU.
Sa pagtitilapya, pinagbubuti ng ZNC ang kalidad ng tubig at kondisyon ng lupa gamit ang ‘modified nanoactivated carbon’ at ‘nanoclay clinoptholite.’ Kasabay dito ang pagbibigay solusyon sa mga problema sa loob ng isang ‘intensive’ o mas masinsinang operasyong pang-akwakultura na mabuti para sa kapaligiran. Binabawasan ng ‘Nano-char’ (nano-silica) at ‘nano zeolite composites’ ang ‘ammonia-nitrogen’ at ‘total dissolved solids’ (TDS) sa mga kontaminadong tubig. Ito rin ay may kakayahang i-recycle o gamiting muli ang tubig matapos mangisda na nagreresulta sa mas malusog na tilapya at malaking kita para sa mga mangingisda.
Inaasahang marami pang pag-aaral tungkol sa mga parametro sa kalidad ng tubig tulad ng ‘alkalinity,’ ‘water hardness,’ at ‘phosphate assessment’ ang isasagawa, gayundin ang mga eksperimento gamit ang ‘nano zeolite-silica composite’ upang mapagbuti ang kalusugan at katangian ng tilapya partikular sa uri na “Nile” na kilalang kinukulturang tilapya sa Pilipinas. Ang magiging resulta ng mga pag-aaral na ito ay magiging mahalaga sa industriya ng akwakultura at higit na makatutulong sa mga mangingisda, mananaliksik, extension workers, eksperto, propesor, at mga estudyante.
Ang tilapya ay pumapangalawa sa bangus bilang pinaka-inaalagaang uri ng isda sa Pilipinas dahil ito ay madaling paramihin at mapagkakakitaan ng malaki. Ngunit sa kabila nito, ang pagpaparami ng tilapya ay nahaharap sa mga pagsubok dala ng pagtatayo ng mga bahayan at industriya sa mga lugar na may agri-fishery, kumpetisyon o pag-aagawan sa gamit ng tubig para sa pagsasaka at pag-a-akwakultura, at sa lumalalang polusyon sa tubig.