Isang pangkat ng mga mananaliksik mula sa Department of Agriculture (DA) ang nabigyan ng pondo mula sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) upang makapag-debelop ng mga estratehiya sa pag-kontrol at pangangasiwa ng peste ng sineguelas.
Ang nasabing peste ay ang sineguelas leaf beetle o SLB (Podontia quatuordecimpunctata [L.]) sa Batangas City.
Natukoy ang SLB matapos nitong mapinsala ang mga sakahan sa San Miguel, Batangas City—ang pinakamalaking ‘producer’ ng sineguelas sa Batangas at sa buong Luzon.
Naapektuhan ang 15,791 na puno ng sineguelas pati na rin ang 343 na magsasaka sa 12 barangay. Nagdulot ng 70% na kabawasan sa ani ng mga magsasaka ang nasabing peste.
Ang SLB ay isang banta para sa iba pang punongkahoy gaya ng kasoy at manga. Dahil dito, kinakailangan ng mga pag-aaral kaugnay sa ‘integrated pest management’ (IPM) upang mapigilan ang pagdami nito.
Isasagawa ang proyektong ito ng mga ahensya ng DA kasama ang Regional Crop Protection Center (RCPC) Regional Field Office IV-A at Bureau of Plant Industry-Los Baños National Crop Research, Development and Production Support Center (BPI-LBNCRDPSC).
Ang proyekto, sa pangunguna ni Dr. Orlando A. Calcetas ng DA-RFO IV-A, ay pag-aaralan ang biyolohiya at ekolohiya ng SLB pati na rin ang kanilang natural na kaaway; pagtukoy ng ‘host range’ ng peste; bisa ng iba’t ibang botanikal na pestisidyo, ‘green and white muscardine fungi’ at ‘baculoviruses’ bilang ‘biocontrol’; at ang pagtukoy ng bisa ng mga insektisidyo sa SLBat ang iba’t ibang organikong ‘concoctions;’ ‘pheromone technology’ at ‘virgin females’ bilang pang-akit sa SLB.
Isasagawa ang proyekto sa loob ng dalawang taon at inaasahang makabuo ng ng ‘package of technology’ para sa control at pangangasiwa ng SLB kasama ang maayos na pagpapatupad ng ‘cultural management practices,’ kemikal, at ‘biological control strategies.’