Dalawang proyektong kaugnay sa pananaliksik sa niyog ang sinuri ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), sa ilalim ng Industry Strategic S&T Program (ISP) ng Niyog.
Ang ISP ng Niyog ay naglalayong pondohan at pagsama-samahin ang mga inisyatibo at proyekto para mapaunlad ang industriya ng niyog sa bansa.
Ang mga proyektong ito ay isinasagawa ng Institute of Biological Sciences ng University of the Philippines Los Baños (IBS-UPLB), Philippine Coconut Authority - Albay Research Center (PCA-ARC), at PCA-Region IV-A.
Ang unang proyekto, “Comparative Transcriptomics of Normal, Makapuno, and Lono Coconut Endosperms” ay naglalayong alamin ang genetiko at molekular na mekanismo na may kinalaman sa ‘biosynthesis’ ng langis ng niyog, pagtubo ng endosperm, at phenotype ng makapuno at lono.
Nasa ika-lima(?) at huling taon na ng implementasyon ang proyektong ito. Sa huling taon nito, ang mga mananaliksik ay nag-aanalisa at pinag-aaralan ang mga piling gene expressions para sa pagdisenyo ng mga ‘molecular markers’ na makatutulong sa mga genetikong pamamaraan ng pagpapabuti sa mga barayti ng niyog. Ang proyekto ay pinangungunahan ni Dr. Maria Genaleen Q. Diaz na binahagi ang mga inisyal na resulta o ‘outputs’ at maging ang mga pangunahing gawain at plano sa huling taon nito.
Ang pananaliksik na ito ay pakikinabangan ng mga ‘molecular biologists’ at mga ‘breeders’ ng niyog. Inaasahan ring and resulta nito ay makatutulong makapagbigay ng mataas na kita sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga makabago at pinabuting barayti ng niyog na may mas maraming langis na makukuha at mas pinaganda at mataas na kalidad ng ‘endosperm.’
Samantala, ang pangalawang proyekto, “Performance Evaluation of the Two-pronged Coconut Hybridization Scheme in CALABARZON,” ay nakatuon sa pagpapataas ng produksyon at pagkakaroon ng hybrid ng niyog para sa proyekto ng PCA na malawakang pagtatanim at pagpapalit ng mga hindi na produktibong puno ng niyog sa CALABARZON. Si Gng. Erlene C. Manohar, OIC Deputy Administrator ng Research and Development ng PCA, ang nangunguna sa pagsasagawa ng proyektong ito.
Tatlong sakahan ng niyog ang pinangangalagaan sa mga bayan ng Sampaloc, Tagkawayan, at Tiaong, sa lungsod ng Quezon para sa ‘assisted hybridization scheme.’ Ang barayti ng niyog mula sa PCA-Zamboanga Research Center (ZRC), ang Tacunan Green Dwarf (TACD) ay inilalahi sa Laguna Tall (LAGT) upang makabuo ng hybrid na tinatawag na PCA 15-10 (TACD x LAGT). Ito ay isa sa mga inirerekomendang barayti na mainam sa produksyon ng ‘sap’ o dagta ng niyog. Nasa 2,500 na hybrid na niyog na ang mapatatanim sa Catanauan at Sampaloc, Quezon. Tatlong sakahan naman ng niyog ang pinangangalagaan sa Los Baños at Cavinti, Laguna; at Tiaong, Quezon para sa ‘directed natural hybridization scheme’ kung saan nakatanim ang mga barayti ng niyog tulad ng TACD, Catigan Dwarf (CATD), at Tagnanan Tall (TAGT).
Tinatayang sa taong 2022 ay makapagpapabunga ang proyektong ito ng mahigit 76,800 na hybrid ng niyog kada taon. Ito ay makapagbibigay ng maraming bilang ng mga pananim sa CALABARZON at mga karatig rehiyon nito. Mapabibilis na din ang pagtatanim ng kapalit ng mga matatanda at hindi na produktibong mga puno ng niyog sa mas murang halaga. Ito ay isa sa mga nakikitang solusyon upang mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka ng niyog upang sila ay maiahon sa kahirapan.
Dumalo rin sa ‘Coconut R&D Project Review’ o pagsusuri ng proyekto sina Dr. Violeta N. Villegas kasama ang mga kawani ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD na pinangungunahan ng Director nito at ISP Manager para sa Niyog na si Dr. Edna A. Anit. Si Dr. Villegas ay isang dalubhasa sa genetiko at ‘breeding’ ng mga halaman, na nagsilbing ‘S&T Consultant’ ng nasabing mga proyekto.