Philippine Standard Time

‘Dehydration technology’ ng Iloilo, hatid ang maraming benepisyo sa industriya ng pagkain

Ang dehydration technology o pagpapatuyo ay isa sa mga laganap na paraan ng pagproseso ng pagkain upang mapanatili ang kalidad at mapahaba ang buhay o ‘expiry’ ng mga ito. Isa rin ito sa mga sinaunang pamamaraan upang ang mga pagkain ay maaaring iimbak at mapanatili ang suplay sa mga panahong walang ani.  Dahil dito, laganap ang mga tinuyong putahe na kinagigiliwan ng mga tao sa iba’t-ibang panig ng mundo. Sa katunayan, ang tsaa, na gawa mula sa mga pinatuyong dahon, ay isa sa mga pinaka kinu-kunsumong inumin sa buong mundo ayon sa Food and Agriculture Organization.

Sa Pilipinas, ang init ng araw ang karaniwang gamit sa pagpapatuyo dahil sa mainit na panahon sa bansa. Subalit para sa mga hanapbuhay na nakasalalay sa pagpapatuyo, kaakibat ng pag depende sa araw ang mababang produksyon tuwing panahon ng tag-ulan. Dagdag pa dito ang pabago-bagong panahon at patuloy na paglaki ng mga pagsubok ng industriya ng pagtutuyo.

Bilang solusyon, nag debelop ang Iloilo Science and Technology University (ISAT U), sa pangunguna ni Dr. Renerio S. Mucas, ng isang ‘programmable dehydrator machine.’ Ayon kay Dr. Mucas, ang kanilang dehydrator machine ay sinadya para sa pagpapatuyo ng mga dahon para sa tsaa. Ngunit, nakita rin itong epektibo sa pagproseso ng iba pang materyales gaya ng luya, turmeric, balat ng saging, at isda. Maaari din itong gamiting pantuyo ng mga prutas gaya ng pinya, ubas at strawberry; mga gulay pang miryenda; ‘spices;’ ‘meat jerky;’ at pinulbos na sangkap sa pagkain. 

Iba sa mga dehydrator sa merkado, ang teknolohiya ng ISAT U ay gumagamit ng mga ‘heat catchers’ upang salain ang init ng araw at mas mapaigi ang proseso ng pagpapatuyo. Naka-abang din ang mga ‘electricity support’ kung sakaling hindi sapat ang init mula sa araw. Sa pamamagitan nito, makasisiguro na patuloy ang proseso ng pagpapatuyo, umulan man o umaraw. Ang paggamit ng ‘solar’ at ‘electric energy’ ay makatutulong na mapababa ang konsumo at gastos nito sa kuryente. 

Higit pa riyan ang benepisyong hatid ng dehydrator machine. Gamit ang inobasyong ito, ang mga gumagawa ng tsaa sa Iloilo, gaya sa Ephrathah Farms, ay natulungangmaparami ang kanilang produksyon na umaabot sa 5 kg/araw mula sa karaniwang 0.5 kg/araw. Nasisiguro din ng dehydrator na mapananatili ang lebel ng phenol at antioxidants ng tsaa na mahalagang sangkap para sa kalidad ng mga ito.

Sa mga interesado, ang Programmable Dehydrator Machine ay maari nang mabili sa AMF Metal Industries. Tumungo lamang sa kanilang website na amfmic.com o tumawag sa mga sumusunod na numero: (02) 8244-2900.