Nakapagdebelop ang mga mananaliksik mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng dalawang detection kits para sa mga patoheno o ‘pathogens’ ng mga pangunahing sakit ng mangga.
Ito ay naisagawa ng proyektong, “Department of Science and Technology (DOST)-Japan Society for the Promotion of Science (JSPS) Joint Research Program: LAMP Detection Assays for Anthracnose, Stem-End Rot, and Scab Disease Pathogens in Philippine Carabao Mango (Mangifera indica Linn.).” Layon ng proyektong makagawa ng isang ‘loop-mediated isothermal amplification’ (LAMP) para sa pagtukoy ng ‘fungus’ na nagdudulot ng mga sakit na 'anthracnose,' 'stem-end rot,' at 'scab' sa manggang kalabaw o 'Carabao mango.'
Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng DOST at Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD). Ito ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng Mie University sa Japan sa ilalim ng DOST-JSPS Joint Research Program.
Si Dr. Lourdes V. Alvarez ng PUP ang nanguna sa implementasyon ng proyekto.
Sa isinagawang ‘terminal review’ ng proyekto, sinabi ni Dr. Alvarez na maaaring matukoy ng kit ang presensiya at ang kawalan ng pathogens na nagiging sanhi ng anthracnose at stem-end rot kahit walang sintomas na nakikita sa bunga ng mangga.
“Ang LAMP kit ay makatutulong sa mga nagtatanim ng mangga, mga mananaliksik, ’quarantine personnel,’ at mga bumabalangkas ng mga polisiya dahil ang kit ay nilalayong magamit para sa ‘phytosanitary measures,’” dagdag ni Dr. Alvarez.
Kamakailan lang, ang pangkat ay nagpasa ng aplikasyon para sa patente ng LAMP kit.