Upang mas patibayin at pahusayin ang pangangasiwa ng mga ‘intellectual properties’ sa sektor ng agrikultura, pangisdaan at likas na yaman, isang proyekto ang magkatulong na isinasagawa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Sa loob ng dalawang taon, layon ng proyekto na makapaghanda ng 150 prior art search reports para sa mga piling teknolohiyang pinondohan ng DOST-PCAARRD, at 12 Patent Landscape Reports (PLR) para sa mga sumusunod: milkfish, mango, goat, crab, shrimp, banana, rice, abaca, swine, bamboo, rubber, at feed resources.
Pangunahing isinusulong sa proyekto ang paggamit ng ‘prior art search’ at ‘patent landscape assessment’ bilang mahahalagang instrumento sa pangangasiwa ng intellectual property. Ang intellectual property ay tumutukoy sa mga likhang isip tulad ng mga imbensyon na nagbibigay ng solusyon sa mga pang-araw araw na suliranin; gayun din ang mga literatura at sining, disenyo, simbolo, mga pangalan, at imahe na kalimitang ginagamit sa negosyo.
Isinasagawa ang prior art search upang malaman kung ang intellectual property o ang isang imbensyon ay may potensyal upang mairehistro sa IPOPHL. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagsuri kung ang imbensyon ay natatangi o bago, gumamit ng mapanlikhang paraan, at angkop na gamitin pang-industriya.
Ang resulta ng prior art search ay mahalaga din sa pagtukoy at paglatag ng intellectual property management plans para sa mga kasalukuyang proyektong sinusuportahan ng DOST-PCAARRD, gayundin ang pagbuo ng mga istratehiya at pagtukoy ng mga prayoridad sa pagsasaliksik sa larangan ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.
Binibigyan naman ng kakayahan ng patent landscape assessment ang mga ahensya ng gobyerno, maging ang mga korporasyon, mga bagong negosyo, unibersidad, ‘research institutions,’ at mga mamumuhunan upang makagawa ng mga tamang desisyon bago mamuhunan sa paglinang ng mga bagong teknolohiya at paglikha ng mga bagong produkto.
Maaari din maging batayan ng mga organisasyon, partikular ng DOST-PCAARRD, ang patent landscape report sa pagbuo ng ‘research and development (R&D) programs’ na maaaring makatulong sa pagpapa-unlad ng sektor ng agrikultura, pangisdaan at likas na yaman.
Sa kasalukuyan, ang IPOPHL ay nakapaghanda na ng 75 prior art search reports at siyam na PLRs (mango, goat, milkfish, bamboo, banana, swine, rubber, abaca, at shrimp). Ang mga PLRs na ito ay naibahagi na sa mga empleyado at mga kaakibat na mga mananaliksik ng DOST-PCAARRD sa tatlong bahaging presentasyon na ginanap noong ika-31 ng Hulyo 2017, ika-31 ng Enero, at ika-20 ng Setyembre 2018.