Isinagawa ang ika-pitong Farmers’ Field Day ng Department of Agriculture - Del Monte Lowland Rainfed Research Station (DA-DMLRRS) kung saan itinampok ang mga teknolohiya at produkto galling sa ‘soybean’ o utaw. Ang mga proyekto ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Itinampok ang programang, “Improvement of Soybean (Glycine max (L.) Merr.) for Better Nutrition, Higher Income and Enhanced Soil Health” na naglalayong pataasin ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtatanim ng utaw kasabay ang ibang halaman sa iba’t ibang sistema ng pagtatanim, gawing sustenable ang sektor ng pagpaparami ng buto ng utaw, at tumuklas ng mga mas produktibong barayti na may kapaki-pakinabang na katangian.
Ayon kay Vanessa F. Calderon ng DA-Cagayan Valley Research Center (CVRC), bagama’t ang rehiyon ng Cagayan Valley ang may pinakamalaking produksyon ng utaw sa kasalukuyan, nakikitaan ng potensyal ang rehiyon ng Caraga na pantayan o higitan pa ang produksyon ng utaw sa Cagayan Valley.
Hinikayat rin ang mga magsasaka, mananaliksik, at mga nais mamuhunan sa utaw na samantalahin ang mga pagkakataong makisali at magamit ang iba’t ibang isinusulong na teknolohiya para sa produksyon at pagpoproseso ng utaw upang mapaunlad ang industriya sa rehiyon.
Iminungkahi ni Rolando S. Corpuz, Industry Strategic S&T Program (ISP) Manager ng ‘legumes’ mula sa Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD, ang adbokasiya sa patuloy na pananaliksik sa iba’t iba pang mga teknolohiyang magpapaunlad sa utaw lalo sa kasalukuyan kung saan maraming hamon ang kinakaharap ng kalikasan, kalususan, at seguridad sa pagkain dahil sa 'climate change’.
Ang mga kasalukuyang proyektong inilunsad para sa utaw ay nagpapatunay ng halaga ng pagsasakatuparang muli ng Soybean R&D Program na simulang isinulong noong 1980s. Ang mga proyekto sa utaw ay makatutulong upang mas mapaunlad ang industriya ng utaw sa bansa at matugunan ang mga problemang kinahaharap nito.