Malaki ang papel ng ‘nanotechnology’ sa agrikultura at sa pag-unlad ng mga produktong agrikultural. Isa sa mga makabagong teknolohiya saklaw ng nanotechnology ay ang nanofertilizers na nakapagbibigay ng ‘greener approach’ para sa ‘nutrient management’ sa pamamagitan ng pinahusay na ‘nutrient use efficiency (NUE)’ at mabawasan ang pagkakataon na tumagas ang nutrisyon ng abono mula sa lupa patungo sa ‘ground water.’
Makabagong pamamaraan ang paggamit ng nanofertilizers upang makamit ang agrikulturang ‘sustainable’ at hindi nakasasama sa kapaligiran. Tinutugunan ng nanofertilizers ang mga ‘environmental hazards’ na dulot ng mataas at walang regulasyong paggamit ng sintetikong abono na nagdudulot ng mataas na ‘soil toxicity’ at ‘soil imbalance.’ Sa pamamagitan ng mataas na NUE, mababawasan ng nanofertilizers ang mas madalas na paggamit ng abono at makatutulong din maibsan ang epekto ng paggamit nito.
Dahil dito, dinebelop ang FertiGroe® nitrogen (N), phosphorus (P), and potassium (K) nanofertilizers ng Agricultural Systems Institute at ng Institute of Crop Science ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa pamamagitan ng programang, “Optimization of the Production and Use of FertiGroe® N, P, and K Nanofertilizers in Selected Agriculture Crops.” Ang programang ito ay pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at sinusubaybayan ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD).
Ang FertiGroe® ay inorganikong abonong pulbos o ‘granulated.’ Ito ay naglalaman ng 29% N, 13% ‘phosphoric acid’ o ‘phosphorus pentoxide’ (P2O5), at 48% ‘potash’ o ‘potassium oxide’ (K2O). Tinatawag silang ‘slow-release fertilizers’ dahil unti-unting inilalabas ng abono ang nutrisyon nito kaya’t mas ‘efficient’ at bahagya ang pagkawala ng nutrients ng abono.
Sinubukan ang mga nanofertilizers na ito sa palay, mais, talong, repolyo, patatas, tubo, kape, kakaw, at saging sa Batangas, Benguet, Bukidnon, Davao City, Davao del Norte, Davao del Sur, Isabela, Laguna, Misamis Oriental, Negros Occidental, at Nueva Ecija.
Ayon sa mga mananaliksik ng UPLB, napababa ng hanggang 50% ang abono pag FertiGroe® N, P, and K nanofertilizers ang ginamit kumpara sa kung pangkaraniwang abono ang gagamitin. Base sa mga naging eksperimento, mas mataas ang ani kasabay ng mas mababang paggamit ng abono. Kaya’t ang kita o ‘net profit’ ay tumaas ng 40% sa palay, 20% sa mais, at 48% sa patatas. Kapag ginamit ang FertiGroe® katulad sa paggamit ng mga pangkaraniwang abono, tumaas ang ani ng talong ng 36% at sa repolyo ng 5%. Nakapagtala rin ng 58% na pagtaas ng kita sa talong at 6% sa repolyo gamit ang FertiGroe®.
Sa tubo, tumaas ng 46% ‘cane tonnage’ at 40% na ani ng asukal pag ginamitan ng FertiGroe® nanofertilizers. Pinababa din ng 45% ang rekomendasyong gamit ng abono, na nagresulta sa mas mahabang ‘stalk’ ng tubo, dagdag timbang at dyametro ng ‘millable cane yields.’
Sa paggamit ng FertiGroe® nanofertilizers, nabawasan ng 33.5% ang paglalagay ng abono sa kape na nagresulta ng 104% na pagtaas sa ani ng ‘coffee berry.’ Samantala, tumaas ng 106% ang ani ng kakaw at nabawasan ng 50% ang paggamit ng abono sa kakaw nang gamitan ng FertiGroe® nanofertilizers.