FertiGroe® nitrogen (N), phosphorus (P), and potassium (K) nanofertilizers, isang natural na abono, ay makapagpapahusay ng ‘nutrient uptake’ o pagsipsip ng sustansiya ng halamang kakaw at makapagpapataas ng ani nito. Ang paggamit nito ay makababawas din sa pagkalason ng lupa dala ng paggamit ng mga sintetikong abono.
Kasalukuyang sinusubukan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) at ng University of Southeastern Philippines-Tagum City Campus (USeP-Tagum City) ang ‘technical efficiency’ ng FertiGroe® para sa kakaw. Ito ay sa ginagawa sa proyektong, “Development of Application Protocol and Field Verification of FertiGroe® NPK Nanofertilizers in Coffee and Cacao.”
Ang proyekto ay pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at sinubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng DOST (PCAARRD).
Ang nasabing proyekto ay isa sa pitong bahagi ng programang, “Optimization of the Production and Use of FertiGroe® N, P, and K Nanofertilizers in Selected Agricultural Crops” na naglalayong mapahusay ang produksyon at makagawa ng protocol para sa paggamit ng teknolohiya sa palay, mais, mga gulay, tubo, kape, kakaw, at saging.
Nagkaroon din ng mga pagsubok sa paggamit ng FertiGroe® N, P, and K Nanofertilizers sa ‘clonal seedlings’ ng kape. Nagresulta ito sa mas mataas, mabigat, at mas mabilis na pagdami ng dahon ng halamang kape.