Mataas ang posibilidad ng kontaminasyon sa proseso ng paggawa ng itlog na maalat sa pamamagitan ng paglulubog sa putik o ‘clay solution.’ Ang kontaminasyon ay nagreresulta sa pagkawala ng halumigmig o ‘moisture’ at mabilis na pagkabulok nito.
Mas magandang gamitin ang itlog ng itik kaysa sa itlog ng manok sa paggawa ng itlog na maalat dahil mas makapal ang balat nito at mas maganda ang katangian nito matapos ang prosesong pagpapaalat.
Upang masigurado ang kalidad ng itlog na maalat at maiwasan ang kontaminasyon, sinuri ng isang proyekto ang paggamit ng ‘antimicrobial coating’ upang mapahaba ang buhay o ‘shelf life’ ng itlog na maalat.
Ang proyekto na pinangungunahan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ay gumawa ng isang ‘special film preservative’ gamit ang gawgaw mula sa ugat ng kamoteng kahoy o ‘cassava starch’ at ‘potassium sorbate.’ Hanggang 12 linggo ang maaaring itagal ng itlog na maalat na may special film preservative. Ito ay dagdag na pitong linggo sa karaniwang shelf life ng itlog na maalat, na limang linggo lamang.
Ayon sa pag-aaral, epektibong nahaharang ng special film preservative ang pagpasok ng mikroorganismo sa balat ng itlog. Epektibong napipigilan ng special film ang kontaminasyon at napapanatili nito ang moisture content sa loob ng itlog.
Ligtas gamitin ang film preservative na ito dahil ito ay ginamitan lamang ng cassava starch, ‘glycerol,’ ‘distilled water,’ at potassium sorbate na lahat ay natural at hindi kemikal.
Ang teknolohiyang ito ay produkto ng proyektong pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).