Para sa mga taong naninirahan sa tabing dagat, ang tahong ay isa sa mga mahahalaga at murang pinagkukuhanan ng protina. Bagama’t kaunting capital lamang ang kailangan, hindi pa rin tumataas ang produksyon ng tahong sa nakaraang sampung taon.
Upang matugunan ang kakulangan ng produksyon ng tahong, gumamit ang isang proyekto ng ‘geospatial technology’ upang matukoy ang mga lugar kung saan maaaring pag-alagaan ng tahong. Ang proyektong ito ay pinangungunahan ni Dr. Carlos Baylon at Ms. Armi May Guzman ng University of the Philippines Visayas (UPV) at Dr. Gay Jane Perez ng UP Diliman.
Ang ‘geospatial technology,’ katulad ng ‘geographic information system’ o GIS at ‘remote sensing,’ ay makapagbibigay ng mga impormasyon na makatutulong para sa mas maayos na pamamahala ng mga lugar-alagaan. Ang teknolohiyang ito ay makatutulong din sa pagpapalawak ng pag-aalagaan ng tahong sa bansa.
Makapagbibigay ng mga datos ukol sa ‘chlorophyll-a,’ temperatura ng ‘sea surface’ at ‘salinity’ ng mga lugar ang ‘geospatial technology.’ Ang mga mapa na mabubuo ng teknolohiya ay magtatala rin ng mga datos tungkol sa ‘physico-chemical’ at ‘biological’ na katangian ng mga natukoy na lugar. Ang lahat ng datos ay maaaring magamit sa isang ‘interactive web-based mussel suitability map.’
Maaaring makinabang sa teknolohiya ang mga pribadong mamumuhunan sa lugar; mga mangingisda na nag-aalaga ng tahong para sa karagdagang kita; Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Extension personnel; non-government organizations (NGOs); mga lokal na pamahalaan; at mga mananaliksik.
Ang geospatial technology project ay ipinatupad sa ilalim ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Mussels na sinimulan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).