Pinadali ng isang makina ang paggigiling ng mais sa mga kanayunan.
Ang ‘mobile’ na makina ay binuo ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng Department of Agriculture (DA). Ito ay katanggap-tanggap sa aspetong teknikal at pinansyal.
Ang teknolohiya, di gaya ng nakaugaliang gilingan, ay hindi gumagamit ng ‘emery stone,’ dalawang ‘steel rollers,’ at ‘oscillating sifter’ na pawang nangangailangan ng mataas na ‘power.’
Dahil sa mga pagbabago sa ‘degerminator,’ ‘grinding,’ ‘sifting,’ at ‘cleaning mechanism’ ng bagong gilingan ng mais, ang makina ay may mas mataas na kapasidad. Ito ay nasa 940-1,100 kilo bawat oras sa mababang halaga ng produksyon na ₱850,000 bawat ‘unit.’ Ito ay 28% lamang ng ₱2.5 milyon na kabuoang halaga ng tradisyunal na gilingan na may parehong kapasidad.
Ayon sa pagsusuring pinansyal ng PhilMech, ang ‘total investment cost’ ay ₱950,000 kung kasama ang shed ng makina. Ang presyo ng nagiling na mais ay tinatayang ₱0.88 bawat kilo. Ang presyong ito ay mas mura kumpara sa kasalukuyang ₱3.10-₱4.70 bawat kilong mais na nagiling na.
Sa lifespan ng corn mill na sampung taon at total annual operating time na 600 oras, tinatayang 79.81% ang magiging Internal Rate of Return on Investment o IRR.
Tinaya ng PhilMech ang balik pakinabang ng makina sa 79.81% kung ito ay gagamitin sa ‘custom milling operation’ sa loob ng 10 taon.
Sa ‘product recovery’ na 66-71% at ‘degerminator efficiency’ na 82-88%, lubos na natugunan ng teknolohiya ang pamantayan ng Philippine agricultural engineering para sa gilingan ng mais. Ang batayan ay 64% minimum product recovery at 80% degerminator efficiency.
Kapag malawakan nang ginamit ang teknolohiya, inaasahang makababawas ito sa halaga ng giniling na mais sa mga pamilihan. Dahil dito, dadami ang kukunsumo ng mais at mababawasan ang ‘per capita consumption’ ng bigas sa bansa.
Iminumungkahi ng PhilMech ang ‘pilot testing’ ng teknolohiya sa mga lugar na pinagtataniman ng puti at dilaw na mais upang lubos na masubukan ang pagiging katanggap-tanggap nito sa pamantayang teknikal at pangkabuhayan.
Napanalunan ng teknolohiya ang pangalawang pwesto sa Development Category sa isinagawang National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) ngayong taon.