Nakinabang ang mga mamamayan sa probinsya ng Isabela mula sa 200 gulayan sa tahanan at 60 gulayan sa pamayanan na itinayo sa pamamagitan ng isang proyektong pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Layunin ng proyektong pinamagatang, “S&T-based Home Gardening towards a Sustainable Source of Food for Families” na pinangungunahan ni Dr. Florenda B. Temanel ng Isabela State University (ISU), ang makapagbigay sa bawat pamilya mula sa iba’t ibang komunidad ng tuluy-tuloy na pagkukunan ng pagkain at kabuhayan sa oras ng pangangailangan. Ito ay bahagi ng Pagkain at Kabuhayan sa Pamayanan komponent ng programang Good Agri-Aqua Livelihood Initiatives Towards National Goals o GALING-PCAARRD Kontra COVID-19 ng ahensya.
Sa kabuuan, limang daang benepisyaryo mula sa mga bayan ng Alicia, Echague, San Isidro, at Cordon sa Isabela ang tinuruan ng mga pamamaraan sa produksyon ng gulay, pagbebenta, at pagpoproseso ng iba’t-ibang pagkain. Namahagi rin ang proyekto ng 3,500 pakete ng buto, 1,500 mga punla, at ilang mga babasahing naglalaman ng impormasyon kung paano magtanim ng ampalaya, pechay, kalabasa, upo, okra, patola, sitaw, talong, siling haba, at kamatis.
Ayon kay Dr. Temanel, ang pagtatayo ng mga gulayan sa tahanan at pamayanan ay nakapagbigay ng alternatibong pagkaka-kitaan at karagdagang pera sa bawat pamilya tuwing magkakaroon ng “lockdowns” sa mga nabanggit na bayan. Ang mga naani mula sa gulayan ay nagsilbi ring pagkukunan ng masustansyang pagkain higit lalo ng mga komunidad na malayo sa bilihan o palengke.
Naipamalas din ng mga mamamayan ang diwa ng bayanihan sa pamamagitan ng libreng pamimigay ng gulay sa mga nangangailangan.
Upang mapanatili at lalo pang mapaigting ang mga proyektong tulad ng gulayan sa tahanan at pamayanan, ibinahagi ni Dr. Rodel G. Maghirang, eksperto at retiradong propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, ang ilan sa mga kaalamang pang-agrikultura tulad ng ‘seed saving,’ ‘crop succession,’ at ‘crop rotation’ na maka-tutulong sa pagpapatuloy ng kanilang mga gulayan pagkatapos ng programa.