Kasalukuyang isinusulong ang isang ‘hybridization program’ upang mapataas ang produksyon ng niyog sa CALABARZON.
Ito ay ang “Performance Evaluation of the 2-pronged Coconut Hybridization Scheme in CALABARZON” na naglalayong masiguro na may suplay ng mga ‘coconut hybrid’ para sa malawakang pagtatanim ng niyog na isinusulong ng Philippine Coconut Authority (PCA). Ito rin ay naglalayong pataasin ang kapasidad ng mga extension workers at magsasaka sa teknolohiya ng hybridization.
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyektong ito na isinasagawa ng PCA-Region IV. Ito ay pinangungunahan ni PCA Deputy Administrator for Research and Development Erlene C. Manohar.
Ilan sa mga nagawa na ng proyekto ay ang pag-ani ng 8,197 na ‘planting materials’ ng PCA 15-10 (Tacunan Dwarf x Laguna Tall) hybrid sa Quezon. Ang hybrid na PCA 15-10 ay akma para sa produksyon ng katas o ‘sap’ ng niyog na ginagawang coconut sugar, coco vinegar, cocosap juice, at iba pa. Ang mga planting materials na ito ay ipinamahagi sa 15 na magsasaka at itinanim na sa 25.5 ektaryang taniman sa Quezon, Cavite, at Laguna. Binigyan din ng planting materials ang mga interesadong magsasaka sa Torrijos, Marinduque. Napansin na ang mga nasabing hybrid na niyog ay mas matatag, mas makapal ang tangkay, at mas maganda ang tubo.
Ayon kay Dr. Violeta N. Villegas na nagsilbing S&T Consultant ng proyekto, ang pagtatanim ng hybrid kapalit ng mga matatandang puno ng niyog ay makapagpapataas ng produksyon ng niyog at kalaunan ay makapagpapataas din ng kita ng mga magsasaka.