Nakatakdang gunitain ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD), isa sa mga ahensya ng Department of Science and Technology (DOST) ang kanyang ika-walong anibersaryo sa darating na Hunyo 22, 2019.
Pormal na isasagawa ang pagdiriwang sa Philippine International Convention Center sa Hunyo 19, 2019. Ito ay may temang PCAARRD at 8: Addressing Regional Needs through Sustained Partnership.
Ang DOST-PCAARRD ay nabuo matapos na pag-isahin ang dating Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development (PCARRD) at ang Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development.
Orihinal na naitatag ang DOST-PCAARRD noong November 10, 1972 bilang Philippine Council for Agricultural Research (PCAR). Matapos ito, tinawag ang ahensya na Philippine Council for Agriculture and Resources Research (PCARR) noong 1975 dahil sa pagkakadagdag ng mines research sa kanyang tungkulin.
Sa ibayong pagpapahalaga sa siyensya at teknolohiya, muling nabago ang pangalan ng ahensya noong 1982 bilang Philippine Council for Agriculture and Resources Research and Development (PCARRD). Inatasan ang ahensya na pangunahan ang mga pagsasaliksik sa agrikultura sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisa at may pokus na direksyon. Kinilala ang PCARRD bilang pangunahing organisasyon para sa pagsuporta at pamamahala ng ‘network’ ng pamahalaan ganun din ng mga ‘higher education institutions’ na may kinalaman sa crops, livestock, forestry, fisheries, soil and water, mineral resources, at socio-economic research and development (R&D).
Noong 1987, muling binago ang pangalan ng ahensya bilang Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development ngunit pinanatili ang kanyang acronym na PCARRD. Noong Enero ng nasabing taon, nilikha ang Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCAMRD) mula sa Fisheries Research Division ng PCARRD. Inatasan ito na pangunahan ang mga pagsasaliksik para sa aquatic at marine sector.
Sa pinalawak na saklaw ng kanyang tungkulin at resposibilidad, inatasan ang PCARRD na bumalangkas ng mga polisiya, plano, at programa para sa pagsasaliksik at pag-papaunlad na ayon sa siyensya at teknolohiya para sa mga sektor na kanyang nasasaklawan; pagtugma-tugmain, tasahin, at obserbahan ang pangkalahatang mga pagsisikap ng bansa sa pagsasaliksik at pagpapaunlad sa nasabing sektor; at maglaan ng pondo para sa pagsasaliksik at pagpapaunlad mula sa loob at labas ng pamahalaan; at maghanap ng mga kailangang resources para suportahan ang mga programa kaugnay nito.
Bilang pangunahing Konseho ng pamahalaan sa agrikultura, akwatika, at likas na yaman ng bansa, ang DOST-PCAARRD ay may aktibong pakikipagtulungan sa mga international, regional, at national organizations at mga funding institutions para sa pagasaliksik at pagpapa-unlad, mga pagsasanay, tulong teknikal, pagpapalitan ng mga siyentista at mananaliksik, kaalaman, impormasyon, at teknolohiya.
Ipinatutupad ng DOST-PCAARRD ang kanyang programa sa pamamagitan ng kanyang Research and Development and Extension Consortia na matataqpuan sa buong bansa.
Sinusuportahan din ng DOST-PCAARRD ang National Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development Network (NAARRDN). Ito ay binubuo ng mga national multi- at single-commodity at regional R&D centers, cooperating stations, at specialized agencies.
Layon ng PCAARRD ang isang matatag at aktibong pamumuno sa mga kailangang pagbabago sa siyensya at teknolohiya para sa sektor na kanyang nasasaklawan. Ito ay sa pamamagitan ng maistratehiyang pangunguna sa pagsusulong ng siyensya at teknolohiya bilang isang plataporma para sa produkto ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman kung saan may pagpapahalaga sa mahalagang papel ng kapaligiran.
Sa pagtugon sa kanyang tungkulin, pinapatnubayan ang DOST-PCAARRD ng kanyang lubos na pagpapahalaga sa pagiging karapat-dapat (relevance), kagalingan (excellence), at pagtutulungan (cooperation).
Ang DOST-PCAARRD ay kinilala bilang ISO 9001:2015-certified agency dahil sa kanyang quality management system.
Mananatiling matapat ang DOST-PCAARRD sa pagtugon sa kanyang tungkulin tungo sa pagkakamit ng isang matatag na sektor ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman para sa bansa