Isang mensahe ang ibinahagi kamakailan ng Gobernador ng Nueva Vizcaya na si Carlos M. Padilla sa Farms and Industry Encounters Through the Science and Technology Agenda o FIESTA sa Citrus na itinaguyod ng Cagayan Valley Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development’s (CVAARRD) at ng mga ahensyang kasapi nito.
Ang Citrus FIESTA ay ginanap noong Setyembre 13 at 14 sa Capitol Convention Center, Nueva Vizcaya at may temang “FIESTA in the Valley: Convergence Towards Support and Development for the Citrus Industry.”
Ang CVAARRD ay isa sa mga research and development consortia ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sinabi ni Padilla na dahil sa industriya ng citrus, nagkaroon ng trabaho ang mga mamamayan sa Malabing Valley sa munisipalidad ng Kasibu sa Nueva Vizcaya. Madami ang nagtatanim ng citrus sa Kasibu. Bukod sa Malabing Valley, ang citrus ay itinatanim din sa lima hanggang pitong barangay na kalapit nito.
Dahil sa kasaganaan ng citrus sa probinsya, tinagurian ang Nueva Vizcaya bilang ‘Citrus Capital’ ng Region II. Inaasahan ni Padilla na balang araw ay magiging ‘citrus capital’ ng Pilipinas ang probinsya.
Bukod sa pagtatanim ng citrus, gumagawa rin ng mga produktong hango sa nasabing prutas ang mga taga-Nueva Vizcaya. Ilan sa mga produktong ito ay ang alak, ‘cider,’ sabon, at palaman sa tinapay.
Isa sa pinaka-unang nagtanim ng citrus sa Nueva Vizcaya si Alfonso Namujhe. Siya ay naging modelo ng maraming nagsasaka ng citrus sa buong bansa.
Ang DOST, PCAARRD, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Nueva Vizcaya State University (NVSU), at iba pang State Universities and Colleges (SUCs) ang tumulong upang maging matagumpay ang industriya ng citrus sa Nueva Vizcaya.