Upang mapaunlad ang industriya ng pagkakahoy at suportahan ang pagtatanim ng mga puno sa rehiyon ng Caraga, inilunsad ang pagpapatayo ng Philippine Industrial Tree Plantation Species Research and Innovation Center (Phil-ITPS Center) sa pamumuno ng Caraga State University (CSU). Ito ay popondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang proyekto ay pamumunuan ni Dr. Rowena Varela, Vice-President for Research and Extension ng CSU. Ito ay magsasagawa ng ‘geodatabase’ ng mga kakahuyan sa nasabing rehiyon gamit ang ‘remote sensing’ at ‘Geographic Information System’ o GIS. Patuloy namang oobserbahan ng mga mananaliksik ang mga kaugalian ng mga mamamayan kaugnay ng industriya ng pagkakahoy. Bukod dito, ang mga mananaliksik ay susuriin din ang mga tila patapon na kahoy sa rehiyon.
Matapos ipatupad ang Executive Order No. 23 o ang pagbabawal sa pagpuputol ng puno, maraming ‘wood processing enterprises’ o WPEs ang nagsara dahil sa kakulangan ng probisyong mapapanatiling buhay ang pangangalaga at pagtatanim ng mga kahoy sa rehiyon.
Bagamat marami sa mga WPEs ang napilitang magsara, nananatili pa ring masigla ang industriya ng pagkakahoy. Ito ay dahil sa potensyal ng ‘industrial tree plantation’ species o ITP na maaaring pagkunan ng ‘bioenergy’ na maaaring mai-eksport din sa ibang bansa kung kaya’t patuloy na binibigyan ng pansin ang industriya ng pagkakahoy sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Varela, inaasahan na ang ITPS Center ay makagawa ng mga produkto gamit ang mga tira-tirang kahoy mula sa taniman at pagawaan. Maaari din gamitin ang mga materyales na ito upang makagawa ng iba’t-ibang klaseng kagamitan na akma sa mga maliliit na espasyo tulad ng mga ‘condominiums’ at ‘mass housing units.’
Nakikitaan din ng potensyal ang ITPS Center na magsawa ng pag-aaral sa bioenergy upang mapabuti ang bentahan ng kahoy at ng mga produkto nito sa merkado. Inaasahan din na ang ITPS Center ay magbibigay ng pagsasanay sa mga ‘tree farmers’ upang mas mapaunlad ang industriya ng pagkakahoy.
Ang programa ay inaasahang magtatapos sa 2022.