Patuloy na pinaiigting ang industriya ng pili sa pamamagitan ng Pili Research and Development (R&D) Center ng Niche Centers in the Regions for R&D (NICER) na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST). Ang pili ay tinaguriang “Tree of Hope” sa rehiyon ng Bicol.
Inilunsad ang dalawang ‘websites’ sa pamamagitan ng proyektong, “Pili Information System and Marketplace,” ng Partido State University (ParSU). Ang nasabing websites ay magsisilbing ‘e-commerce site’ o bilihan ng mga produktong pili at ‘knowledge bank’ ng tungkol sa lokal na industriya ng pili. Sa kasalukuyan, ang nilalaman ng nasabing mga websites ay maaaring makita ng publiko.
Ang Pili Information System ay maaaring bisitahin sa http://pili-nicer.parsu.edu.ph/, samantalang ang Pili Marketplace ay maaaring puntahan sa http://pilimarketplace.parsu.edu.ph/home.
Ang Pili R&D Center ay nagsisilbi ring daan sa pagsasanay ng 80 tao ukol sa ‘asexual propagation’ ng pili na ibinibigay ng mga eksperto mula sa Bicol University College of Agriculture and Forestry (BUCAF). Ang mga benepisyaryo ng nasabing pagsasanay ay nagmula sa Albay, Camarines Norte, Catanduanes, Sorsogon, at Masbate.
Nakapag-debelop din ang BUCAF ng mga disensyo ng makinaryang magagamit sa pagpo-proseso ng bunga ng pili, tulad ng ‘pili sorter,’ ‘depulper,’ ‘cracker,’ ‘testa remover,’ at ‘oil extractor.’
Samantala, isinasaayos ang ‘Plant Pathology Laboratory’ ng BUCAF kung saan isinasagawa ang mga pagsusuri at pag-eeksperimento tungkol sa “Tayangawon disease” ng pili.
Sa kasalukuyan, sinisikap ng BUCAF na mas mapaigting ang pagkilala sa mga barayti ng pili na may magagandang katangian. Humigit-kumulang sa 140 na mga puno sa probinsya ng Albay ang nakolektahan na ng mga sampol ng bunga ng pili. Inaasahan rin na magkakapag-debelop ang institusyon ng mga protokol sa paggamit ng ‘biofertilizer’ sa mga puno ng pili na may murang edad.
Inaasahang makukumpleto ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) ang mapa ng taniman ng mga pili sa nasabing rehiyon. Humigit-kumulang sa 4,000 na taniman ng pili ang na-survey sa Bicol para sa inisyatibong ito.