Nakagawa ng microalgae paste na tinawag nilang Juan Algae, ang University of the Philippines Visayas College of Fisheries and Ocean Sciences (UPV-CFOS) at ang UPV Museum of Natural Sciences.
Ang Juan Algae ay isang uri ng pakain para sa
papisaan ng bangus. Ito ay produktibo kung ikukumpara sa kanyang presyo. Tinutugunan nito ang hamon sa mga ‘aquaculture operators’ kaugnay ng ‘microalgae culture’ lalo na kung hindi maganda ang panahon.
Ginagawa ang microalgae paste mula sa apat na karaniwang uri ng microalgae sa aquaculture, ang Tetraselmis sp., Nannochloropsis sp., Chaetoceros calcitrans, at Chlorella vulgaris.
Ang mga microalgae ay mga mikroskopiko at akwatikong organismo na lumulutang at ka raniwang makikita sa kapaligiran ng tubig-alat at tubig-tabang. Ito ay pangunahing pagkain para sa lahat ng organismo na nabubuhay sa tubig sa mga unang bahagi ng kanilang buhay.
Makatitipid ang mga aquaculture operators ng 25 porsiyento sa halaga ng pakain gamit ang Juan Algae. Kumpara sa nakasanayang protokol sa papisaan, ang 30kgs ng ‘ready-to-use algal paste’ ay nagkakahalaga lamang ng ₱18,000 kumpara sa paggamit ng buhay na ‘microalgae culture’ na nagkakahalaga ng hanggang ₱22,500. Ito ay dahil sa ang huli ay nangangailangan ng ‘labor’ at ‘maintenance costs.’
Nakita rin sa pag-aaral na pareho lamang ang ‘density with respect to time’ ng Juan Algae at ng buhay na microalgae. Ang density with respect to time ay tumutukoy sa tumbasan ng microalgae paste at ng tubig. Wala ring pagkakaiba ang bilis ng paglaki ng bangus na binigyan ng microalgae paste at ng buhay na microalgae. Dahil dito, ipinapahiwatig ng resulta ng pag-aaral na maaring gamitin ng mga aquaculture operators ang Juan Algae para sa mas madaling pangangasiwa ng mga papisaan ng bangus.
Maaari ring iimbak ang Juan Algae ng tatlong buwan mula sa produksyon. Bukod sa pakain, maari rin itong gamitin sa pag ‘culture’ ng panibagong ‘batch’ ng buhay na microalgae culture.
Kasalukuyang ipinakikilala ang teknolohiya sa pamilihan bilang bahagi ng komersiyalisasyon nito kabilang ang ‘market analysis’ at ‘product validation.’
Nadebelop ang Juan Algae sa ilalim ng programang, “Improvement of microalgae paste production for aquaculture.” Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ng CFOS-Institute of Aquaculture ng UPV ang programa.
Sinubukan ng proyekto ang uri ng microalgae na Nannochloropsis sp., sa dalawang pisaan sa Lucena City at Dumangas, Iloilo, ganon din sa UPV-CFOS-IA Multi-species hatchery.
Noong 2002, iniulat ng Food and Agriculture Organization ng United Nations (UN-FAO) na may 226,195 aquaculture operators sa bansa na nangangailangan ng microalgae bilang pangunahing pakain para sa ‘brackish; at ‘marine commodities.’