Naitatag ng Pampanga State Agricultural University (PSAU) ang mga mahusay at epektibong pamamaraan sa pagpapalago at pagpapalaki ng kawayan na makapagpataas ng ‘survival rate’ nito.
Base sa mga eksperimento, ang ‘branch cutting’ method ay mas epektibong pamamaraan sa pagpaparami ng ‘propagules’ kumpara sa ‘culm cutting method.’
Napatunayan ding mahusay na pamamaraan ang ‘two-node branch cutting’ na nagpakita ng 64% ‘survival rate’ sa kawayang tinik, 46% sa bolo, at 50% sa giant bamboo.
Sa patubig naman, ang paggamit ng ‘sprinkler’ ang pinakamahusay na pamamaraan sa panahon ng tagtuyot dahil nakatutulong ito sa pagtaas ng produksyon ng labong o ‘bamboo shoot’ mula 6-7 hanggang 10-12 labong sa bawat kumpol sa bawat taon.
Ang pinakamahusay naman na pag-tago ng labong ay sa pamamagitan ng pagbalot nito sa paper towel at cling wrap bago ito itago sa loob ng refrigerator. Ang pinakamagandang resulta ay nakita sa mga bamboo shoots na ibinabad sa tubig na may 10 gramo ng asin.
Ang mga pamamaraang ito ay resulta ng proyektong, “Development of Strategies for Propagule and Shoot Production of Three Bamboo Species” na pinangunahan ni Dr. Honorio M. Soriano, presidente ng PSAU.
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyekto. Sinusubaybayan naman ito ng Forestry and Environment Research Division (FERD) ng PCAARRD.
Kasama sa mga nagawa na sa proyekto ang pagtatag ng taniman ng kawayan at ang “Smarter Bamboo Nursery” na naitatag noong 2018 na naglalayong mapataas ang produksyon ng kawayan sa Rehiyon 3.
Ang mga nagawang pagpapahusay ng produksyon ay ang irigasyon, pagbawas ng bamboo culm o ‘thinning,’ at ang pagkabit ng solar panel bilang karagdagang pagkukunan ng kuryente para sa irigasyon.
Ang proyekto ay nakagawa rin ng mga produktong hango sa labong katulad ng ‘pickles,’ ‘pies,’ ‘oatmeal cookies,’ ‘empanada,’ at ‘muffins’ na ginamitan ng bamboo shoots.