Malaki ang papel ng mga bakawan at ‘coastal forests’ sa ekosistemang pandagat ng isang komunidad. Ang mga bakawan ay nagsisilbing tirahan ng mga isda, alimango, hipon, at iba pang uri ng molusko. Samantala, ang mga coastal forests naman ay nagsisilbing ‘nursery’ para sa mga isda.
Isang proyekto ang inilunsad upang mapigilan ang pagkawala ng mga bakawan at coastal forests sa Baybay City sa kanlurang baybayin ng Leyte at sa munisipalidad ng Isabel sa hilagang kanlurang Leyte. Ang proyektong ito ay isinasagawa ng Visayas State University (VSU) at PASAR Corporation.
Sakop ng proyekto ang 5.18 ektaryang lupa ng mga nasirang bakawan sa Barangay Jaena at Sabang sa Baybay City at Barangay Tolingon at PASAR sa Isabel, Leyte.
Ilan sa mga aktibidad na isinagawa ng proyekto ang pakikipagtulungan at pagbisita sa mga komunidad na sakop ng proyekto. Kasama sa pagbisita ang mga diskusyon upang tumaas ang interes, suporta, at kaalaman ng mga komunidad tungkol sa mga pagsisikap na mapanumbalik ang mga bakawan at coastal forests.
Nagtatayo din ng mga nursery sa Leyte kung saan pinaparami ang mga punla sa pagtatanim ng bakawan.
Pinondohan ang proyekto ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).