Ang ‘forest vine’ o baging mula sa gubat ay isa sa mga pinakamagandang pinagkukuhanan ng materyales para sa paggawa ng ‘handicrafts.’ Madaming mapagkukuhanan ng baging sa mga gubat ng Pilipinas ngunit maaaring hindi matugunan ang pangangailangan ng industriya ng suplay na ito. Ang industriya ng handicrafts sa Pilipinas ay pangalawa sa pinaka-malaki sa buong mundo.
Ang natural na pagtubong muli ng mga baging ang isa sa mga paraan kung paano magparami nito sa bansa. Gayunpaman, hindi ito sapat sa pangangailangan ng industriya.
Upang matugunan ang hamong ito, isang proyektong may titulong, “Biological Studies of Economically Important Forest Vines in Camarines Sur and Albay Provinces,” ang pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Isinasagawa sa proyekto ang pagtatayo ng mga ‘nursery’ o alagaan ng mga punla pati ang mga taniman ng baging. Magbibigay din ang proyekto ng impormasyon sa penolohiya, ekolohiya, at iba pang nakakaapekto sa pagtubo ng baging upang matukoy ang tamang pamamaraan sa pagpaparami nito.
Isa din sa matutukoy sa proyekto ang tantiyang bilang ng mga baging na importante sa ekonomiya sa Camarines Sur at probinsya ng Albay.
Ang lahat ng impormasyong makakalap sa proyekto ay ilalagay sa isang database ng mga baging sa Pilipinas.
Isinasagawa ng DOST-Forest Products Research and Development Institute of the Department of Science and Technology (DOST-FPRDI), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bicol University College of Agriculture and Forestry (BUCAF), at Philippine Science High School – Goa Campus ang proyekto.