Philippine Standard Time
Featured

Mas mataas na produkyson at kalidad ng sampalok, hatid ng agham at teknolohiya

Sa gitna ng mataas na potensyal ng sampalok at mga produkto nito sa merkado, nakararanas pa rin ng mababang produksyon ang industriya nito sa Pilipinas.

Dahil dito, tinututukan ng Tamarind Research & Development (R&D) Center ng Pampanga State Agricultural University (PSAU) ang paglikha ng mga inobasyon sa produksyon ng sampalok na makatutulong sa mga lokal na magsasaka. Ang programang ito ay pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) sa ilalim ng Niche Centers in the Regions (NICER) for R&D Program at sinusubaybayan ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD). 

Sa tulong ng proyektong “Development of S&T-based Production Management Strategies for Tamarind,” natukoy ang pagsasagawa ng ‘grafting’ o paghugpong, ‘girdling,’ ‘pruning,’ at paggamit ng ‘biological control agents (BCA),’ ‘oriental herb nutrient (OHN),’ at ‘plant growth promoter (PGP)’ bilang mga epektibong pamamaraan upang mas mapataas ang produksyon at kalidad ng sampalok sa bansa.

Ayon sa punong-tagapangasiwa ng programa na si Dr. Mary Grace B. Gatan, naitala sa kanilang pag-aaral na ang pagsasagawa ng girdling tuwing Marso ay nakatulong sa pagtaas ng produksyon ng ‘pod’ ng sampalok na aabot sa 390%. Tumaas din ang kalidad ng mga sampalok ng 465% sa tulong ng proseso ng pruning pagkatapos ng pag-ani tuwing Abril.

Samantala, ang paghugpong ng mga puno ng sampalok, kabilang ang mga naka-‘interstock,’ ay nagbunga ng prutas sa loob lamang ng 2 taon. Ito ay mas maaga kumpara sa mga hindi hinugpong na puno ng sampalok. 

Sa kabuuan, ang Tamarind R&D Center ay nakagawa ng 5,300 na hinugpong sampaloc. Ito ay naging susi sa pagpapalawak ng mga taniman ng sampalok sa Central Luzon na aabot sa 121 ektarya.

Ang proyektong “Genomic Characterization for Improvement of Sour and Sweet Tamarind Varieties” naman ay nakagawa ng isang talaan tungkol sa mga katangian ng 5,200 prutas at 2,600 bulaklak ng sampalok. Nakapagtayo rin sila ng koleksyon na mayroong 540 uri ng sampalok mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ibinahagi ni Adrian B. Bantequi, lider ng proyekto, na naging malaking bahagi ang resulta ng proyekto upang maiparehistro ang kauna-unahang rehistradong barayti ng maasim na sampalok, ang ‘PSAU Sour 2,’ sa talaan ng National Seed Industry Council (NSIC). Tatlo pang linya ng sampalok (‘PSAU Sour 1,’ ‘PSAU Sour 3,’ at ‘Nueva Ecija’) ang inihahanda para sa pagpaparehistro ng mga ito sa NSIC.

Bilang susunod na mga hakbang, ipagpapapatuloy ng Tamarind R&D Center ang pagpapatibay sa mga nasabing teknolohiya at pagsusulong sa akreditasyon ng mga punlaan ng mga matamis at maasim na sampalok mula sa Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI).