Isang grupo ng mananaliksik sa rehiyon ng Bicol ang nagsagawa ng proyekto upang mapaunlad ang produksyon ng munggo.
Ang proyekto ay may titulong, “Enhancing Mungbean Production in Bicol Region.” Una itong isinakatuparan sa Pamplona, Camarines Sur, isang ‘rainfed area’ kung saan karamihan ng magsasaka ay nagtatanim ng palay. Kinalaunan, ipinakilala din ang proyektong ito sa mga nagtatanim ng mais sa Masbate.
Gamit ang munggo bilang panghaliling pananim, layon ng proyekto na tugunan ang madalas na pagkabigo ng mga magsasaka sa Pamplona na mabawi ang kanilang ginastos sa pagtatanim ng palay sa panahon ng tagtuyot. Bukod dito, layon din tugunan ang mataas na presyo ng produksyon dulot ng kakulangan sa teknikal na kaalaman ng mga nagsasaka ng mais sa Masbate.
Ipinakilala ng mga mananaliksik ang munggo bilang tanim na kahalili ng palay sa Pamplona, Camarines Sur. Ang sistemang ito ay produkto ng proyektong Community Participation Action Research (CPAR) noong taong 2002.
Isinulong ang sistema ng paggamit ng ‘crop diversification’ upang tugunan ang mga problemang nararanasan ng mga magsasaka sa pagtatanim ng palay at mais. Maaaring makakuha ng karagdagang kita ang mga magsasaka sa pagtatanim ng munggo pagkatapos ng palay dahil hindi masyadong magastos ang pagtatanim nito at mabilis lang itong anihin. Dahil sa pagtatanim ng munggo, bumabalik din ang pagkamayabong ng lupa na makabubuti para sa susunod na pagtatanim ng palay.
Ang pagtatanim ng munggo pagkatapos ng palay ay nangailangan ng nakaugaliang uri ng munggo at wastong pamamaraan ng pagtatanim nito, kaya’t nagsagawa ng mga pagsubok sa ilalim ng proyekto.
Ang resulta, nakapagtamo ng 1,000 kilo sa bawat ektarya (kg/ha) ang munggo na tinatawag na kintab. Nakapagtala naman ng pinakamataas na ani na 730 kg/ha ang munggo na tinanim na naka-hilera at may distansyang 7 sentimetro (cm) sa pagitan ng bawat tudling at 50cm sa bawat hanay. Ito ay kumpara sa 726 kg/ha na ani sa pamamagitan ng ‘broadcast planting’ o sabog-tanim at 685 kg/ha naman sa ‘relay planting’ o ang patatanim ng buto bago anihin ang palay o ang mais.
Nakita sa pag-aaral na ang sistema ng pagsasalit tanim ng palay sa munggo ay nakatulong upang mabawasan ang impestasyon ng mga damong nabubuhay sa tubigan kasama ang palay. Ang paggamit naman ng ‘seed planter’ sa pagtatanim ng munggo ay nakapagpataas ng kahusayan ng produksyon at 35.5% dagdag na kita.
Samantala, nakamit naman ng pagtatanim ng mais at munggo sa Masbate ang pinakamataas na ‘pod yield’ o ani ng munggo na umabot ng 681 kg/ha sa Aroroy at 611 kg/ha naman sa Cataingan. Ang sabog-tanim ay nakapagtamo ng 662 kg/ha na ani sa Aroroy at 593 kg/ha sa Cataingan.
Naitala din ng proyekto ang pinakamababang ‘pod yield’ sa relay planting na nakakuha lamang ng 595 kg/ha sa Aroroy at 543 kg/ha sa Cataingan.
Dahil sa sistemang ito, nakapagtala ng 55.8% na pagtaas sa ani kumpara sa kinaugaliang pamamaraan ng mga magsasaka.