Dalawang proyekto sa pagpapahusay ng henetika at barayti ng niyog ang inaasahang makatutulong upang mapalago ang industriya nito sa bansa.
Ang unang proyekto na may titulong “Curation, validation and utilization of coconut transcriptome sequences for gene-based marker development” ay layong makakuha ng tumpak at di pabago-bagong ‘transcriptomes’ ng pitong barayti ng niyog sa bansa. Gagamitin ang mga ‘sequences’ nito sa pag debelop ng ‘gene-based markers’ upang mapabuti ang henetika at barayti ng niyog.
Inaasahang makikinabang sa pag-aaral ang mga nagpapalahi ng niyog upang matarget nila ang mga nais na katangian ng niyog gaya ng mataas na ani, mahusay na kalidad ng sabaw, at iba pang katangian.
Inaasahang makatutulong ang 20-taong tuloy-tuloy na ‘research and development,’ upang makagawa ang mga nagdedebelop ng mga bagong barayti ng niyog para sa mga magsasaka.
Ang pangalawang proyekto ay nakatuon naman sa pag-aaral sa ‘gene expression’ ng niyog at ang epekto nito sa ‘biosynthesis. Inaasahang makatutulong din ito upang patatagin ang kakayahan ng industriya ng bansa sa kompetisyon sa pangdaigdigang pamilihan at pabutihin ang kabuhayan ng mga nagtatanim ng niyog.
Ipatutupad ang mga proyekto ng National Institute for Molecular Biology and Biotechnology (NIMDB), University of the Philippines Diliman, at Institute of Plant Breeding (IPB), UP Los Baños.
Ang mga nasabing proyekto ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development-Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Itinuturing na isa sa prayoridad ng nasabing ahensya ang niyog, kabilang ang iba pang mga mahalagang produktong agrikultural.
Malaking halaga para sa siyensya at teknolohiya tungo sa pagpapabuti ng pagiging produktibo ng niyog sa bansa ang ginugugol sa pamamagitan ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Coconut ng DOST-PCAARRD.
Sinimulan ang proyekto kasunod ng tagumpay ng ISP for Coconut, kung saan nakapaloob ang paggamit ng ‘genomics,’ ‘genetics,’ at ‘molecular marker assisted breeding’ sa pagpapalahi upang pahusayin ang kakayahan at katatagan sa kompetisyon ng industriya ng niyog ng bansa.
Nirepaso ang dalawang proyekto kamakailan sa isang pagpupulong na isinagawa sa tanggapan ng DOST-PCAARRD. Kabilang sa dumalo rito sina Dr. Dolores A. Ramirez, ‘national scientist,’ at Dr. Benigno D. Peczon, na parehong nagsilbing ‘technical evaluators.’ Dumalo rin dito ang mga kinatawan ng Crops Research Division (CRD) sa pangunguna ng ‘assistant director’ nito na si Dr. Edna A. Anit.