Mas pinadali ang pagtukoy ng pananim na matamis at maasim na sampalok sa pamamagitan ng pagsusuri ng usbong ng bulaklak o flower buds. Ito ay base sa isang programang sinusuportahan ng Department of Science and Technology (DOST) na kasalukuyang isinasagawa ng Pampanga State Agricultural University (PSAU).
Base sa paunang pag-aaral ng PSAU, ang usbong ng bulaklak ng maasim na sampalok ay may mapulang bahagi samantalang wala ito sa matamis na barayti.
Iniulat ng PSAU ang dalawang barayti na may natatanging katangian – ang PAC Sour 2 at Golden Sweet.
Natukoy ng PSAU ang mga nasabing barayti matapos silang mangalap at magsuri ng iba’t ibang ‘lines’ o uri ng sampalok mula sa Pampanga, Bukidnon, at Davao City.
Sa mga maasim na barayti ng sampalok na kinolekta, ang PAC Sour 2 ang may pinakamakapal na balat (0.56 mm), pinakamalaman (50.86%), at pinakamabigat na ‘pod’ o bunga, at nagtataglay ng mga bungang may tatlo o mahigit na buto.
Samantala, ang Golden Sweet ay may makapal na balat (0.73 mm) at pinakamabigat na bunga sa lahat ng kinolektang matatamis na sampalok. Gaya ng PAC Sour 2, higit sa tatlong buto ang laman ng bawat bunga ng Golden Sweet.
Mas gusto ng mga nagtatanim at namumuhunan sa sampalok ang makapal na balat nito dahil hindi madaling mabasag o masira ang balat nito habang inaani ang mga bunga. Napo-protektahan din ng mas makapal na balat ang bunga ng sampalok sa mga peste at sakit.
Produkto ng programang, “Accelerated R&D Program for Capacity Building of Research and Development Institutions and Industrial Competitiveness: Niche Centers in the Regions for R&D (NICER): Tamarind R&D Center,” na sinusubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng DOST (DOST-PCAARRD) at pinopondohan din ng DOST.