Ang Automated Furrow Irrigation System o AFIS ay makatutulong na makatipid sa patubig at mapataas ang ani ng tubo.
Ang resulta ng proyektong natapos kamakailan sa Central Luzon State University (CLSU) ay ipinaliwanag ni Dr. Armando N. Espino, Jr., tagapanguna ng proyekto, sa isang ‘webinar’ tungkol sa produksyon ng tubo na inorganisa ng DOST-PCAARRD.
Ayon kay Dr. Espino, ang pag-‘automate’ sa tradisyunal na furrow irrigation ay makatutulong na mapadali ang matrabahong irigasyon ng mga magsasaka. Sinisiguro nito na ang patubig ay nailalagay sa tamang oras at dami, nagagamit ang tubig nang mas maayos, at nagreresulta sa mas produktibo ngunit mababang gastos sa pagpapa-bomba o ‘pumping.’
Ayon pa kay Dr. Espino, mas mataas ang mga tangkay ng tubo at mas mataas ang naging ani ng 58 porsyento (%) kumpara sa nakasanayang furrow irrigation sa ‘field trials’ sa 1.5 na ektaryang (ha) bukid sa Barangay Dampe, Floridablanca, Pampanga gamit ang AFIS. Nakatipid din ng 47% sa tubig na ginamit at mataas ang ‘water productivity’ o ani kada dami ng tubig ng 132.87 kilo kada metro kubiko (kg/m3).
Iniulat din ni Dr. Espino ang mga positibong resulta ng datos sa katas na nakuha mula sa naaning tubo. Mas mataas din ng 1.98kg ang dami ng asukal na maaring makuha kada toneladang tubo (Lkg/TC), kumpara sa 1.48 Lkg/TC lamang na nakukuha sa tubuhan na may tradisyunal na sistema ng furrow irrigation. Ang bawat Lkg/TC ay tumutugma sa 50kg asukal kada tonelada ng tubo.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng DOST-PCAARRD sa pakikipagtulungan ng Dampe Palay at Sugarcane Producers Cooperative sa Pampanga. Ang uri ng tubo na ginamit ay ang PS862 na mayroong ‘planting density’ na 30,000 ‘cane points’ kada ektarya.
Ang AFIS ay binubuo ng ‘main controller,’ ‘field control nodes,’ ‘soil-moisture sensors,’ ‘water advance flow sensors,’ at iba pang bahagi. Ang CLSU ay nag-debelop ng ‘mobile application’ na magko-kontrol sa pagbubukas at pagsasara ng ‘valve.’ Ang valve o balbula ay bumubukas kapag ang antas ng kahalumigmigan o ‘moisture’ ng lupa ay umabot sa ‘threshold value’ nito at tumitigil ito sa oras ng ‘cut-off’ na ‘automatic’ na natutukoy ng sistema.
Ibinahagi ni Dr. Espino na aabot ng 2,020 m3/ha ang tubig na maaaring matipid sa tulong ng AFIS. Dahil dito, ang ‘labor cost’ para sa irigasyon ay mas magiging mababa dahil sa automation. Sa nakalkulang ani na 178.13 TC/ha at Lkg/TC na 1.98, maaaring makakuha ng net income na P179,528.77/ha. Ang ‘Benefit Cost Ratio’ (BCR) sa AFIS ay mas mataas ng 2.88 kumpara sa nakasanayang patubig na may 1.45 lamang. Ang AFIS ay mas makabubuting pamumuhunan sa pangmatagalan.