Philippine Standard Time
Featured

Mga bagong barayti at seleksyon ng gumamela, bunga ng proyekto ng UPLB at DOST-PCAARRD

Patok sa pandaigdigang merkado ang makukulay at kaakit-akit na mga bulaklak ng gumamela. Subali’t higit na apektado ng tropikal na klima ng bansa ang dami at haba ng pamumulaklak ng mga ito. 

Bilang tugon, ilang mga panibagong barayti ng gumamela ang nilikha sa isang pag-aaral ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) sa tulong at suporta ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Bahagi ito ng pagsusulong ng Konseho sa industriya ng mga halamang ‘ornamental.’

Ang proyektong “Development of New Hibiscus rosa-sinensis Varieties through Conventional Hybridization and Embryo Rescue,” ay naglalayong lumikha ng mga bagong barayti ng gumamela na angkop sa klima at panahon ng Pilipinas. Ito ay unang pinamunuan ni Bb. Agripina O. Rasco at kasalukuyang pinagpapatuyloy ni Dr. Maria Luisa D. Guevarra mula sa Institute of Plant Breeding ng UPLB (IPB-UPLB).

Ayon kay Dr. Guevarra, nagbunga ang nasabing pag-aaral ng mahigit na 300 ‘hybrid progenies’ na resulta ng pagpapalahi ng mga barayti ng lokal na garden-type na gumamela sa ilang piling barayti mula sa ibang bansa. Dagdag pa rito, anim na mga bagong hybrid ang napili at pinararami upang mairehistro sa Germplasm and Technology Release and Registered Office (GTRRO) ng IPB-UPLB. Samantala, anim na seleksyon ng gumamela ang patuloy na sinusuri dahil sa potensyal nitong mga katangian. 

Naging katuwang ng proyekto bilang mga manunuri at kasangguni sa agham at teknolohiya ang mga ekspertong sina Ginoong Reynold B. Pimentel mula sa Del Monte Philippines at Ginoong Fernando B. Aurigue mula sa DOST-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI).