Bumisita sa Taiwan ang isang Global Technology Information Search (GTIS) team mula sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) at Bicol University Tabaco Campus (BUTC) upang makakuha ng mga bagong pamamaraan sa ‘resource enhancement’ kaugnay sa pag-aalaga ng igat.
Ang team ay kinabibilangan nina Dr. Plutomeo Nieves, Professor sa BUTC at Wilfredo C. Ibarra ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD.
Nakipagpulong ang team sa mga siyentista at mananaliksik ng National Taiwan University (NTU) sa Taipei at ng National Sun-Yat Sen University sa Kaohsiung.
Ang Pilipinas at Taiwan ay parehong dinadaanan ng mga igat na pantropiko dahil malapit ang dalawang bansa sa pangunahing mga pangitlugan sa Kanlurang katubigan ng Marianas Islands.
Pareho rin ang problema ng Pilipinas at Taiwan sa pangangasiwa ng kanilang igat gaya ng mga pagpupuslit ng mga ‘larvae’ o ‘glass eels,’ papaunting populasyon ng larva, ganon din ang illegal na pagkuha ng mga bagong lagak na uri ng igat para sa pagpaparami.
Limang komersiyal na uri ng igat ang nahuhuli sa mga pangunahing ‘river system’ ng Pilipinas: ang ‘giant mottled eel’ (Anguilla marmorata); ‘Indian short finned eel’ (A. bicolor pacifica); ‘Celebes long finned eel’ (A. celebenensis), ‘Luzon mottled eel,’ (A. luzonensis), at ‘Japanese eel’ (A. japonica).
Naging ‘host’ sa pagbisita ng team sa NTU si Prof. Yu-San Han, kung saan ipinakita ang pamamaraan ng pagtukoy sa kaibahan ng ‘glass eels’ at ‘elvers’ o batang igat ayon sa kulay ng kanilang buntot.
Bilang Direktor ng Taiwan Eel Farming Industry Development Foundation, si Yu ang tagapangasiwa ng isang proyekto kung saan lalagyan ang Yilan River ng mga igat na may sukat na angkop sa pamilihan. Ito ay upang mapataas ang populasyon ng mga magulang na igat na pupunta sa mga pangitlugan at magpaparami naman sa mga batang igat na muling babalik sa mga ilog.
Nakita rin nina Nieves at Ibarra ang paggamit ng ‘open pond’ at ‘green house farming’ sa pag-aalaga ng igat. Gumagamit ang greenhouse farming ng isang ‘closed recirculating system’ at ‘boiler’ upang mapainit ang tubig sa panahon ng taglamig upang mapabilis ang paglaki ng mga igat.
Naging host naman ng team sa kanilang pagbisita sa National Sun-yat Sen University (NSYSU) sa Kaoshiung si Prof.Ching Nin Nathan Chen, Dean ng Department of Oceanography at si Prof. Keryea Soong ng College of Marine Sciences.
Ang igat ay isa sa prayoridad na produkto sa ilalim ng Industry Strategic S&T Program on Biodiversity. Ang mga bagong impormasyon sa pagtukoy sa uri nito, pagkolekta, pag-aalaga, at pagpapahusay sa binhi nito ay magsisilbing ‘input’ sa programa ng pagtutulungan na nakatakda nang isagawa, kaugnay sa pag-aalaga ng igat.
Handa naman ang NTU at NSYSU sa pagtutulungan sa pagsasaliksik at pag-papaunlad maging sa palitan ng mga impormasyon.