MUSUAN, Bukidnon—Maaring mapagkuhanan ng ‘biopesticide’ ang mga katutubong halaman ayon sa isang pag-aaral
Pinangunahan ang pag-aaral ng mga mananaliksik ng Central Mindanao University kasama ang isang Balik Scientist ng Department of Science and Technology.
Sampung uri ng halaman ang sinuri sa pag-aaral upang tukuyin ang taglay nilang ‘phytochemicals’ sa paraang in vivo at in vitro laban sa dalawang organismong nagdudulot ng sakit, ang Alternaria brassicae at Phytophtra infestans.
Ayon sa mga datos na nakalap sa pag-aaral at mga naunang datos, tinukoy ang Tasmania piperita (Hook.f.) bilang isang mahusay na halaman na magagamit sa paggawa ng protipo ng biopesticide.
Napatunayan na ang katas ng nasabing halaman ay hindi nagbabago matapos na ihiwalay ang mga sangkap nito sa pamamagitn ng proseso ng ‘chromatography.’
Mula sa katas, gumawa ang mga mananaliksik ng dalawang prototipo ng produkto (Product A at Product B) at pinag-aralan ang kanilang ‘antifungal activity.’
Isinailalim ang dalawang prototipo ng produkto sa mga pagsubok upang alamin ang kanilang resistensya sa pagbabagong kemikal at pisikal (thermostability) at impluwensya ng ‘radiant energy’ (photostability).
Napatunayan na mabisa ang produkto laban sa Alternaria brassicae at Phytophtra infestans sa ‘lower dilution’ na 1:15/1:25.
Samantala, mas naging maganda ang resulta sa parehong produkto sa ‘higher dilution’ na 1:10,000. Ang mga ‘biopesticides’ mula sa mga katutubong halaman ay ligtas para sa tao at sa kapaligiran, mura, at makikita sa mga lokal na tindahan.
Nakita rin sa pag-aaral na kahit na parehong may ‘shelf life’ na 12 buwan ang mga produkto, mas matibay naman ang product A pagdating sa thermostability at photostability.
Napanalunan ng teknolohiyang Screening of Indigenous Plants as Biopesticides and the Development of Product for Vegetable Diseases ang unang pwesto sa Research Category sa isinagawang National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) for 2018.