Natulungan ng programang, “Agroforestry Support Program for Enhancing Resiliency of Community-Based Forest Management Areas (ASPIRE-CBFM)” ang Liliw Upland Farmers’ Multi-Purpose Cooperative (LUFAMCO) ng Brgy. Luquin sa Liliw, Laguna. Ang programa ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Itinataguyod ng LUFAMCO ang ‘agroforestry model’ nito na sumusunod sa sistemang nakatuon sa pagtatanim ng gulay, kung saan ginagamitan ng ‘intercropping’ o pagtatanim ng higit pa sa isang halamang agrikultural sa isang taniman. Ayon sa modelo, maaaring magtanim ng mga gulay at lamang ugat gaya ng kamote, kamatis, repolyo, at sitaw. Rinekomenda ng programa sa mga magsasaka ang pagtatanim ng sili (Capsicum annuum) bilang karagdagang tanim.
Ilan sa mga natulungan ng proyekto, sina Enrico Aversu, Henry Brosas, at Eliser Moredo ay nagsabi na malaki ang naitulong ng mga kagamitang makina sa kanilang pagsasaka dahil nakatitipid sila sa gastusin para sa ‘farm inputs.’ Ito ay dahil nakagagawa sila ng organikong pataba gamit ang mga makinang ‘multi-purpose shredder,’ ‘fermentation drums,’ ‘aerator/brewer,’ at ‘juice extractor’ na siyang ginagamit sa bawat siklo ng kanilang pagtatanim.
Sa kasalukuyan ay nakagagawa na sila ng kanilang sariling organikong pataba gaya ng Fermented Fruit Juice (FFJ), Fish Amino Acid (FAA), Fermented Plant Juice (FPJ), Bio Organic Fertilizer (BOF), at ‘Indigenous Microorganism (IMO).
Namigay rin ang programa ng mga punla ng pili at lipote na siya namang itatanim sa lugar at magsisilbing pangsangga sa mga malalakas na hangin at pangtanda hangganan ng sakahan.
Kalakip ng modelong agroforestry ay ang pagtatanim ng mga kakawate na siyang nagsisilbing balag. Itinatanim rin ang mga kakawate sa gilid ng mga dalisdis na siyang nakatutulong upang panatilihin ang anyo ng lupa at maipon ang mga tubig sa mga sakahan.
Upang maiwasan ang pagguho ng lupa, naglagay ng mga makabagong teknolohiya gaya ng ‘Automated Rain Gauges (ARGs)’ sa mga lugar na nakitaan ng posibilidad ng pagguho nito. Ang Department of Environment and Natural Resources-Ecosystems Research and Development Bureau (DENR-ERDB) ay tumulong sa pagtunton ng mga lugar na paglalagakan ng mga ito at magsisilbing gabay para sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Offices (MDRRMO).
Ang ARG ay binuo upang makatulong sa pagtatala ng dami ng tubig-ulan sa oras na tutukuyin nito. Ang mga datos ay awtomatikong pinadadala sa pinakasentrong istasyon na siya namang gagamitin upang agarang ipagbigay-alam ang inaasahang dami ng ulan sa mga lugar na apektado nito.