Maaari nang mapangalagaan laban sa malawakang peste at sakit ang sibuyas at bawang sa Nueva Ecija at karatig probinsya. Gamit ang information, communication, and technology (ICT) tools, ang pagsugpo sa mga peste at sakit ay maisasagawa agad bago pa man ito lumaganap sa mga taniman. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang tuluyang pagkalugi ng mga magsasaka.
Sa proyektong Surveillance, detection, and mapping of leaf miner and anthracnose-twister diseases in onion and garlic, ang mga mananaliksik sa Central Luzon State University (CLSU) sa Nueva Ecija ay gumagamit ng ‘computer-based tools’ at ‘software,’ ‘remotely sensed data,’ ‘unmanned aerial vehicle,’ ‘satellite imageries,’ ‘meteorological data,’ ‘spectral signatures of pest and disease infestation,’ at iba pang ‘ICT applications’ upang maobserbahan, mapagaralan, at mailagay sa mapa ang mga lugar sa probinsya na may presensya ng mga nasabing pesteng insekto at sakit.
Ang nakagawiang paraan sa pagtukoy at pagsubaybay sa mga peste at sakit ay sa pamamagitan ng manu-manong paraan na kalimitan ay hindi tumpak, magastos, at matrabaho. Ang mga paraang nakagawian ay pinadali sa pamamagitan ng kasalukuyang proyekto ng CLSU na binigyan ng suportang pinansyal ng Department of Science and Technology (DOST) kaantabay ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).
Sa pangunguna ni Dr. Ronaldo T. Alberto ng CLSU, ang proyekto ay nakabuo ng mga mapa na kung saan makikita ang lugar at lawak ng impestasyon ng leaf miner sa sibuyas mula December 2018 hanggang January 2019. Makikita sa mapa na halos lahat ng munisipalidad sa Nueva Ecija ay naapektuhan ng peste, maliban sa bayan ng Lupao. Ang may pinakamataas na impestasyon ay naitala sa Rizal sa lawak na 185 ektarya o 14.31% ng 1,296 ektarya ng total na taniman. Ang may pinakamababang impestasyon ay naitala sa mga munisipalidad ng Aliaga, Talavera, at Pantabangan.
Mayroon ding natapos na mapa para sa sakit na anthracnose-twister ng bawang na umatake sa ilang munisipalidad sa Nueva Ecija.
Ang lahat ng mga ‘map series’ ng insidente ng leaf miner at anthracnose-twister hanggang Enero 2019 ay nailipat na at natalakay sa mga opisyal ng Municipal Agriculture Offices ng Nueva Ecija, Regional Crop Protection Center. Ang maagang deteksyon at mapping ng mga sakit at pesteng insekto ay nakatulong sa mga kaakibat na tanggapan na ipatupad ang mga kaukulang pamamaraan upang maiwasan ang patuloy pang pagkalat ng mga peste.
Bukod sa pagbibigay ng impormasyon sa mga lokal na pamahalaan tungkol sa mga sakit at pesteng insekto sa pamamagitan ng map series, namahagi rin si Dr. Alberto at ang kanyang project team ng ‘information, education, and communication (IEC) materials’ nga mga proyekto tungkol sa Integrated Pest Management ng leaf miner at anthracnose-twister ng sibuyas. Gayundin, nakapagbigay sila ng ‘advisory services’ at ‘technical briefing’ sa mga magsasaka ng sibuyas sa 12 munisipalidad.
Iniulat ni Dr. Alberto na dahil sa proyekto, nabawasan ang nawawalang ani na sanhi ng anthracnose-twister at leaf miner mula 12-34%. Noong wala pa ang proyektong ito, ang kabawasan sa ani ay umaabot sa 60-80%.
Nakapagdisenyo at nakagawa rin ang project team ng webpage na nagtataglay ng mga impormasyong nabanggit. Plano ng proyekto na makapagtatatag ng ‘plant pest and disease clinic,’ ‘disease surveillance,’ at ‘research center.’