Natukoy ang mga produktibong barayti ng utaw sa Rehiyon 10 at 13 base sa inisyal na resulta ng mga isinagawang pananaliksik. Ang mga serye ng eksperimento na bahagi ng Soybean R&D Program ay isinagawa sa Bukidnon, Agusan del Sur, at Surigao del Sur.
Ayon kay Jemseal R. Napier ng Department of Agriculture-Northern Mindanao Agricultural Crops and Livestock Research Complex (DA-NMACLRC), natuklasan sa Libona, Bukidnon na maganda ang pagtubo ng SP 963-9, isang ‘soybean accession’ mula sa World Vegetable Center (dating kilala bilang Asian Vegetable Research and Development Center). Samantala, pinakaproduktibo naman ang ‘Manchuria’ sa apat na eksperimento na isinagawa sa Sumilao, Bukidnon. Sumunod dito ang AGS 374, soybean accession mula sa Tiwala 8 at LXI8A, at Tiwala 6.
Bukod dito, natuklasan na ang AGS 374 ang pinakamatibay na barayti laban sa dapulak o ‘aphids’ at ‘powdery mildew’ kumpara sa mga SP accessions na sinubukan sa mga taniman sa Sumilao.
Sa kabilang banda, napag-alaman na ang SP 963-5, SP 963-7, SP 963-1, SP 963-6, at SP 963-2 ay mga produktibong barayti ng utaw sa Region 13. Ang mga ito ay nagpakita ng magandang tindig ng halaman at mataas na bilang ng ‘pod’ o bunga.
Kabilang ang Region 10 at 13 sa mga nakikipagtulungan sa DA at Institute of Plant Breeding-University of the Philippines Los Baños (IPB-UPLB) sa Soybean R&D Program, “Improvement of Soybean (Glycine max (L.) Merr.) for Better Nutrition, Higher Income, and Enhanced Soil Health.”
Ang nasabing programa ay bahagi ng Industry Strategic S&T Program (ISP) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) para s utaw. Naglalayon ang programa na pataasin ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtatanim ng utaw kasabay ang ibang halaman sa iba’t ibang sistema ng pagtatanim, gawing sustenable ang sector ng pagpaparami ng buto ng utaw, at makatulong sa paglinang at pagtuklas ng magagandang barayti ng utaw