Inilunsad sa unang Magayon Bicol Agri-Expo sa Albay Farmers’ Bounty (AFB) Village ang iba’t ibang produktong gawa sa kamote kamakailan. Ang mga nasabing produkto ay resulta ng proyektong “S&T-based Value Chain Development for Food in Albay” na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ipinakilala ang mga produktong tulad ng ‘chips,’ ‘noodles,’ tinapay, at ‘toasted muffins’ sa mga mamimili at mga posibleng mamumuhunan na nagsipagdalo sa nasabing Agri-Expo. Ang mga produkto ay gawa ng tatlong People’s Organizations (POs) na sinanay sa isang Farmers’ Business School sa loob ng walong buwan. Pinangunahan ni Engr. Percival N. De Villa ng Provincial Agricultural Services ng Albay ang tatlong POs.
Layon din ng Agri-Expo na ilunsad ang AFB Village para sa mga pangangalakal ng produktong pang-agrikultura pati na rin sa mga pagsasanay tungkol sa produksyon at pagpoproseso ng mga kalakal na pang-agrikutura.
Dumalo si Angelito T. Carpio, Senior Science Research Specialist ng PCAARRD sa paglulunsad bilang kinatawan ng Acting Executive Director ng PCAARRD na si Dr. Reynaldo V. Ebora.
Pinasalamatan ni Carpio si Engr. De Villa at ang mga POs sa pagpapabuti ng industriya ng kamote sa pamamagitan ng pagpapaunlad at pag-‘commercialize’ ng mga produktong gawa sa kamote sa nasabing probinsya. Ayon din sa kanya, nagresulta sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng kamote ang pagsisikap ng PCAARRD at mga katuwang na ahensya nito.
Dumalo rin sa paglulunsad ang mga kinatawan ng Visayas State University, Tarlac Agricultural University, at mga kawani ng Crops Research Division ng PCAARRD.