Inilunsad ng Institute of Plant Breeding o IPB ng University of the Philippines Los Baños (IPB-UPLB) ang dalawang proyektong makapagde-debelop ng mga bagong barayti ng gumamela at hoya sa bansa.
Ang dalawang proyektong ito ay pinondohan at sinusubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang unang proyekto, “Varietal Development in Philippine Native Hoyas,” ay naglalayong magdebelop ng magagandang barayti ng hoya na may mga magagandang katangian, tulad ng natatanging kulay o porma ng bulaklak, mas hitik na pamumulaklak, at mas matagal o mahabang panahon ng pamumulaklak. Ito ay pinangungunahan ni Maria Luisa D. Guevarra, mananaliksik mula sa IPB-UPLB.
Dahil ang hoya ay endemic o katutubong halaman sa Pilipinas, malaki ang maitutulong ng proyektong ito upang mas payabungin ang industriya ng hoya sa bansa. Susubukan ng proyekto na makapag-debelop ng limang barayti na magtataglay ng panibagong kulay o hugis ng bulaklak at masipag mamulaklak. Inaasahan ding makapag-parami ng mga nasabing barayti.
Ang gumamela sa ilalim ng proyektong “Development of new Hibiscus varieties through hybridization and embryo rescue” ay naglalayong makagawa ng mga bagong barayti ng gumamela na may magagandang katangian at kapasidad na mabuhay sa mainit na klima na karaniwan sa Pilipinas. Ilan sa mga ninanais na madebelop ay ang mga gumamelang may malalaki at ‘multicolored petals.’ Ang proyektong ito ay pinangungunahan nina Gng. Agripina O. Rasco at Dr. Pablito M. Magdalita ng IPB-UPLB.
Ang mga magagandang klase ng gumamela ay kadalasang makikita sa mga bansang may malamig na klima atayon sa mga eksperto, ang mga ito ay di gaanong namumulaklak at nahihirapang mag-adapt sa klima ng Pilipinas.
Nguni’t inaasahang sa taong 2024 ay magkakaroon ng mga bagong barayti ng gumamela na aprubado ng National Seed Industry Council o NSIC.
Ang pagha-hybrid ay isang pamamaraan kung saan pinagsasama ang mga magagandang katangian ng dalawang magkaibang halaman, nagsisilbing ‘parent materials’ upang makakuha ng panibagong barayti (supling) na may magandang katangian.
Dahil sa lumalakas na industriya ng pag-aalaga ng halamang namumulaklak sa bansa dahil sa maraming mga nahihilig dito bilang libangan o ‘hobby,’ malaki ang magiging ambag ng pagha-hybrid ng mga halamang-bulaklak. Ito ay magiging kapaki-pakinabang sa mga may-ari ng plant nursery, sa mga naghahalaman o di kaya’y sa mga nagpararami at nag-aalaga ng bulaklak, ganun din ang mga ‘ornamental plant exporters at importers.’