Ang probinsya ng Benguet, na tinaguriang “Salad Bowl of the Philippines,” ay madalas na naaapektuhan ng mga kalamidad at sakunang dulot ng pabago-bagong klima o ‘climate change.’ Ilan lamang sa epekto ng pabago-bagong klima ay ang pagbaba ng ani at kita ng mga magsasaka at dahil dito ay patuloy ang panawagan sa pagsasaayos ng sistemang pang-agrikultura upang masolusyunan ang kinakaharap na problema ng nasabing rehiyon.
Ang proyektong Science and Technology Frontline for Emergencies and Hazards (SAFE) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at Benguet State University (BSU), sa pagbibigay-daan ng Cordillera Consortium for Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development (CorCAARRD) ay naglalayong magbigay ng solusyon sa climate change sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.
Tutugunan ng SAFE ang mga banta ng pabago-bagong klima tulad ng bagyo, pagguho ng lupa, pagyeyelo, malalakas na hangin, at pagkakaroon ng mga peste at sakit ng mga pananim; gayundin ang iangat ang produksyon at kita ng mga magsasaka sa Kibungan at Tublay sa Benguet. Ang proyektong ito ay isinagawa noong Oktubre 2017 hanggang Hunyo 2020.
Sa ilalim ng proyekto, bumuo ng isang ‘techno-demo farm’ kung saan sinaliksik kung paano makatutulong ang agham at teknolohiya upang mapataas ang produksyon at kalidad ng mga produktong agrikultural ng probinsya gaya ng letsugas, ‘broccoli,’ at repolyo. Itinayo rin ang mga istraktura para proteksyon sa mga ‘terrace farming’ gaya ng ‘structural windbreaks,’ ‘tunnel-type rain shelters,’ at ‘interlinked-reinforced terraces.’
Dumalo naman ang 60 magsasaka at anim na lokal na kawani ng lokal na pamahalaan sa mga pagsasanay tungkol sa produksyon ng ani at pamamahala ng mga ito. Nagkaroon rin ng mga pagsasanay sa Disaster Risk Reduction - Climate Change Adaptation and Mitigation (DRR-CCAM). Layunin ng mga pagsasanay na mabawasan ang epekto ng pabagong-bagong klima sa pagkasira ng mga ani, at iangat ang kalidad ng kemikal na komposisyon ng mga lupa na siyang makatutulong mapataas ang ani at kita mula sa mga nabanggit na produktong agrikultural.
Layunin din ng proyektong SAFE ang bigyang kahalagahan ang mga kababaihan at ang ginagampanan nitong papel sa CCAM. Sa proyektong ito, ang mga kababaihan ay nabigyan ng pagkakataon na dumalo at makilahok sa pagpaplano at pagsusuri ng mga aktibidad ng proyekto. Tinuruan din ang mga kababaihan sa iba’t-ibang aspeto ng pagsasaka gaya ng ‘soil management,’ produksyon ng organikong pataba, pamamahala sa mga peste, DRR-CCAM, at pagproseso ng mga agrikultural na produkto upang maging pagkain para naman sa aspetong entreprenyuryal.
Bumuo din ng mga babasahing naglalaman ng kaalaman sa mga nasabing paksa ang proyektong SAFE, kung saan magsisilibi itong gabay sa pagpapalawig ng kasanayan at kaalaman ng mga magsasaka nang sa gayon ay maging tuluy-tuloy ang kabuhayan at marami ang makinabang sa mga ito.
Para naman sa mga lokal na pamahalaan, isang polisiya ukol sa proyektong ito ang binuo upang magsilbing gabay sa patuloy na pamamahala sa mga techno-demo farms at sa mga terrace farms sa pamamagitan ng agham at teknolohiya. Sa kasalukuyan, ang lokal na pamahalaan ng Tublay ay naghayag na ng interes na gamitin ang ‘windbreak technology’ para sa kanilang komunidad.
Iniharap ang mga napagtagumpayan sa proyektong ito sa nakaraang National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD), kung saan nanalo ang nasabing proyekto ng ikatlong pwesto sa kategoryang, “Best Development Paper” na ipinarangal noong ika-29 ng Nobyembre 2021.