Tampok ang ilang teknolohiya ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa ginanap na Central Luzon Goat and Sheep Conference 2023 sa Kaisa Convention Center, Tarlac City.
Ang mga teknolohiya ng Konseho tungkol sa kambing ang pangunahing bahagi ng teknikal na presentasyon ng ‘conference’ na inorganisa ng Federation of Goat and Sheep Producers and Associations of the Philippines, Inc. (FGASPAPI) at pamahalaang lungsod ng Tarlac.
Ang FGASPAPI ay isang samahan na binuo at kinilala bilang opisyal na kinatawan ng ‘small ruminant industry.’ Ito rin ay kasapi ng Livestock Development Council at National Agriculture and Fishery Council, at ‘industry partner’ ng DOST-PCAARRD.
Ang mga teknolohiya at proyekto ng DOST-PCAARRD na tampok ay ang ‘Sure Feed (SFEED): pelletized feeds’ para sa nagpapasuso na kambing; ‘on-farm application’ ng isang epektibong protocol para sa paglipat ng ‘embryo’ ng mga kambing; ‘portable goat pregnancy detection kit’; standard na pamamaraan ng pagpatay at paghiwa ng mga kambing; "Let's Doe: Isang proyekto upang malunasan ang epekto ng pandemyang COVID-19;" mastitis test kit para sa mga inahing kambing; at Farmers' Livestock School on Goat Enterprise Management.
Ayon sa FGASPAPI, ang teknikal na presentasyon sa ‘conference’ ay isinagawa upang ipabahagi ang mga teknolohiya at mga bagong pamamaraan sa produksyon ng kambing at tupa na makakatulong sa ‘herd-build’ at ‘genetic improvement,’ pagpapaunlad ng nutrisyon at pastulan,’ at mga interbensyong pangbeterinaryo.
Bukod sa mga panayam, nagkaroon din ng ‘outdoor exhibit’ ng mga hybrid na kambing at iba pang hayop, mga korporasyong nagpapakita ng kanilang produkto, lokal na ‘food and non-food’ na mga produkto, at isang seremonya ng pagkilala sa mga kasapi at kasosyo ng FGASPAPI.
Kalahok ang mga magsasaka mula sa iba't ibang lalawigan at iba pang mga stakeholder ng industriya ng kambing at tupa sa nasabing ‘conference.’
Ito ay may temang “The goat and sheep industry: Responding to calls of resiliency by embracing mature technologies," na isinagawa sa isang linggong pagdidiriwang ng 25th charter anniversary ng Tarlac City.